Thursday, December 14, 2006

si Emilyo..

"..chek..mate! hahahaha..Emilyong kuneng!!..", ang kantyaw ni Kardupit sa maluha-luhang si Emilyo,"..talunan ka na naman, tawag ka ng Inang mo dahil gagapas na daw kayo ng pagay (palay)!."

"..hus indi! lulusong ako sa bukid kung gusto ko. Isa pang round..", ang hamon nitong asar na asar nang Emilyo kay Kardupit.

“..punta ka na maggapas para may baunin ka sa eskuela bukas..”,ang gatong nitong Tammikel.

Sa sasabat si Emiliana.

“..ikaw din Tammikel, ipastol mo na ang mga baka natin! Ang tanda tanda mo na! maapakan pa nila pusod mo diyan!..”,

At tawanan ang mga nasa paligid.

Karakter na karakter ang munting balkon na iyon nina Emiliana. Umpukan iyon ng mga nag-tse-chess at nagda-dama mula ika-8 ng umaga hanggang ika-6 ng hapon. Ibat-ibang tao ang nandon: may matanda at bata. May nakahubad ng pang-itaas at may naka-dyaket ng tanghaling tapat. May naka tsinelas, may naka corto. Iba-iba rin ang saglitang napaparaan don upang dungawin ang mga nakikipag-ahedres. May vaciador, kargador, tomador, kubrador, at impostor. May bungal, may sungalngal. May ngumunguya pa ng nganga (si tandang Beling yon). Para silang mga inakwaryom ni Emiliana na sa oras magutom ay mangungutang lang sa gareta niya.

“..bwisit..bwisit!..”, ang nagmamaktol at banas na banas na Emilyo. Natadyakan pa niya ang walang kamalay-malay na nagsusukang aso sa tabi. “..hmm, alam na alam ni Kardupit ang Roy Lopez opening ko., mapag-aralan nga mamya ang Sicilian defense na ginamit ni Fisher kay Spassky..”, naglalaro sa isip ni Emilyo.

Mainit ang hampas ng pang alas dos na sikat ng araw. Mahapdi ang kurot nito sa balat. Tagaktak ang pawis ni Emilyo at panay ang lagok sa baong tubig. Sa kabila nito, karay karay pa rin ng isipan niya ang pagkatalo sa chess kanina.

“..Emilyong..hoooww! Emilyong!..”, ang kanina pang sigaw ni tandang Arseng.

Hindi marinig kasi ni Emilyo sapagkat kanina pa lumilipad ang isip. Kulelat na kulelat siya sa hilera ng mga gapasero.

”..ano kaya ang ipapagawa na naman ng matandang ito..kainis! saksakin ko na kaya ng karit!.”, ang yamot nang Emilyo.

Ampon lang si Emilyo. Nagkaroon ng kulay ang nalalabing araw ng dalawang matanda simula ng kalungin siya bilang sanggol. Nagbalik ang sigla ni tandang Ayong sa pagbubukid dahil sa kanya. Kahit anong hirap ng dalawang matanda ay iginapang, mapalaki lamang ang batang Emilyo. Nagkanda-prenda at benta ang sinasakang lupa para hindi makapagdamit ng punit ang bata. Nang mainggit ang batang Emilyo sa bagong bisekleta ni Suying ay agad bumuhat ng 5 kabang palay sa kamalig si tandang Ayong upang maibili ang batang Emilyo. Sapat na sa dalawang matanda ang mabakas ang tuwa kay Emilyo. Kalakasan nila ang bawat halakhak ng batang Emilyo habang nakasakay sa bisekleta.

Labing-anim na taong-gulang na siya ngayon. Nag-aaral sa bayan. Subalit wala nang sinasaka ang dalawang matanda. Kinailangang makipagtrabaho sila sa bukid para mabuhay.

“..tutulungan na kita Emilyong..”, ang wika ng kababata niyang si Willy.

“..sige salamat..”, ani Emilyo., “..sayang hindi mo nakita ang pagpapataob ko kay Kardupit kanina.,haha.,mate in 5 moves.!.”, pagyayabang ni Emilyo sa kaibigan.

”..nge! bakit sabi ni Saldong ikaw ang namate?..” ang nagkakamot sa ulo na Willy.

”..namu! nagpapaniwala ka kay Saldong dyakol!..eh wala ring binatbat sa akin yon sa chess..”, tumataas na tinig ni Emilyo.

”..ah,.”, tatangu-tangong si Willy.,”..wala ka bang gagawin mamaya?..”, dugtong pa niya.

”..san? don na naman kina Tandang Marcelo?, hahaha!!ikaw talaga ang hilig mo doon!..”, nagtatawa lang na Emilyo.

Madalas yayain ni Willy si Emilyo sa Bible Study doon kina tandang Marcelo. Pero madalas kutya ang inaabot ni Willy kay Emilyo.

------------------------

“..oopss! Queen less..”, ang wika ni Willy sa kalabang si Noel.

“,,naku! Baldado na ako. Resign na yan..”, mahinahong pagsuko ni Noel..

“..dapat si Kardupit ang kalaban mo..mats na mats kayo..walang makatalo sayo dito eh. Kayo na lang ni Kardupit ang hindi naglalaban..”, ang bulalas nitong Enyong na napakalakas kung tumalsik ang laway, palibhasa apat na ngipin sa harap ang nadiskarel.

Hindi na umimik ang Willy. Tatangu-tango lang ito na tumayo at ngingiti-ngiti lang. Nag-unahan na yong ibang miron sa pagtse-chess. Mga nangangarap maging Karpov at Kasparov sa gitna ng walang puknat na anihan sa kabukiran. Mga nagpupumilit sa larong hindi bagay sa kanila. Walang pinag-iba ang kulubot na hinlalake ni Tammikel sa uka ng piyesang bishop. Napapagkamalan tuloy na tinatago nito ang bishop dahil kakulay at katulad nito ng kanyang daliri.

Kababata ni Emilyo si Willy. Sabay lumaki. Halos sila ang magkasama araw-araw. Kahit sa kuwentuhan, sa pasyalan, sa pagbibisekleta, sa paggagapas ng palay, at sa pakikipag-away. Sa bayan nga lamang pumapasok si Emilyo samantalang sa barangay high school lamang itong Willy. Noong nakaraang kaarawan ni Emilyo ay munting cartridge lamang ang regalo ni Willy. Hindi ma-appreciate ni Emilyo ang tugtog. Madalas lang silang magkahiyaang magharap sa larong chess. Alam na alam ni Emilyo na nagpapatalo ang kaibigan lalo’t maraming nanonood. Subalit, iginugupo siya nito at hindi pinapabawi kapag sila lang dalawa sa balkon ni Emiliana.

“..mate ka na naman!, hahaha!..”, ang malulutong na halakhak ni Kardupit kay Emilyo

“..wala, hindi mo talaga kaya si Kardupit..”, ang pang-aasar pa ng mga miron.

Lulugu-lugong umuwi si Emilyo. Kahit bakasyon na at pinag-aralan na lahat ng mga teknik sa ahedres ay wala pa rin siyang panama kay Kardupit. Tanging sina Saldong dyakol, Noel, Amboy, Saltek, at Bestre ang nailalampaso ng kanyang “Fischer’s Sicilian defense”. Nagiging tae siya pagdating kay Kardupit.

Sa sama ng loob ay tinanggap niya ang upa para mag-ani ng mais sa Patalan.

Noong araw na iyon ay hinahanap siya ni Willy upang magpa-alam. Kinukuha siya ng kanyang nanay upang magbakasyon sa Maynila. Paalis na siya noong araw ding iyon na pumunta sa patalan si Emilyo.

Kantyawan ang nadatnan ni Willy sa balkon ni Emiliana sa paghahanap kay Emilyo. Naawa siya sa kaibigan. Tinanggap niya ang hamon at tudyo ng mga naroroong miron. Sa pang-siyam na sulong ni Willy ay less-rock na si Kardupit. Mate si Kardupit sa pang labing-limang sulong ni Willy. Sunod na laro ay depensa na si Kardupit. Marupok ang diskarte ng depensa ni Kardupit. Burak ang bawat sulong. Tae siya pagkatapos ng dalamput-anim na moves. Sinumpa ang Ahedres!

--------------------------

May tatlong Linggo nang nakaraan. Nasa anihan ng mais si Emilyo nang mabalitaan niyang patay na si Willy sa Maynila. Agad siyang tumalilis. Tumakbo ito papauwi. Tagaktak ang pawis ni Emilyo.. sumasabay sa mga patak ng luha nya. Mabilis na mabilis ang takbo habang binabagtas ang mga libis at talampas. "..hindi,.. sana mali lang ang balita!.." usal ng nagugulumihanang Emilyo.

Malayo pa siya ay ulinig na niya ang iyak at palahaw ng Lola ni Willy.

"..patay na si Willy!", ang bungad ni nana Edang.

Namatay si Willy. Lumuwas sila ng Maynila.

“.. na food poison . Bigla itong natumba at nangitim ang mga daliri. pagkukwento ni Wilma kay Emilyo.

Matapos ang libing, hindi pa rin maalis sa isipan nya ang pagkamatay ng pinakamatalik nyang kaibigan. Napakalungkot ng paligid pagka-uwi niya ng probinsiya. Para na kasing kulang. Parang sa bawat sulok ay nakikita niya ang kaibigan. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Pinipilit niyang ibsan sa pag-iyak ang sikip sa dibdib subalit parang alon lamang ang hapdi na pabalik-balik.

Bihira na ring siyang tumambay sa balkon ni Emiliana. Sumasakit lang ang kalooban niya sa tuwing makikita ang chessboard. Naalaala niya lang ang kuwento ni Emiliana kung papaano tinalo ni Willy si Kardupit sa chess para sa kanya. Hindi niya mapigilang mapaluha kapag naaalala niya ang madalas pagpapatalo nito sa chess kapag maraming nanonood.

Madalas siyang magpunta ng bukid. Naroroon pa rin yong mga kaputol ng palay na pinaggapasan nila. Noong madalas siyang tulungan ni Willy para matapos ang ginagapas. Pumapatak ang luha ni Emilyo nang makita niyang tinutubuan muli ng panibagong dahon ang mga napaggapasan. Iniiwasan na rin niyang makita ang lagaslas ng tubig sa patubig.

”..Emilyong, kain na, nagbigay ng dinuguan at pinapaitan si Emiliana..”,ang yakag ng Inang niya upang kumain.

Subalit nakahiga lang siya. Sa gabi nauulinigan niya ang kantahan sa bahay ni Lakay Marcelo. Kelan nga pala ang huli niyang pagsama doon kay Willy. Naalala niya ang cartridge na yon na regalo sa kanya noong nakaraang kaarawan niya. Nakabalot pa ito sa plastik. Narinig na niya ang bawat awitin sa cartridge na iyon. Subalit nais niya muli itong pakinggan. Sa bawat tipa at kalansing ng gitara, at bawat titik sa himig, lumalapat ang mga mensahe. Hindi maipaliwanag ni Emilyo ang nangyayari sa kanya noong gabing iyon. Iyak siya ng iyak. Kinailangan pang mawala ang isang tao para makita at mapansin ni Emilyo ang tunay na anyo ng sarili. Kailangan pa bang mawala si Willy upang mabuksan ang kanyang mga mata para makita ang mga higit na mahalaga sa paligid niya? Nariyan yong dalawang matanda na walang humpay sa pagpapahalaga sa kanya sa kabila ng kanilang katandaan. Madalas ikahiya niya at patayin sa isipan. Konti na lang ang panahon sa mundo, hindi pa niya nasusuklian ng kahit katiting na pagmamahal. Kelan ba niya sila niyakap? Matindi ang hagulgol ni Emilyo noong gabing iyon.

Dapit-hapon ng kinabukasan, ibang Emilyo na ang pumunta sa bukid. Maaliwalas na ang mukha. Dala ang kanyang walkman. Kasabay ng paglubog ng araw Pinapakinggan niya ang isang awit sa cartridge na may pamagat na: TUPANG LIGAW

Malapit na namang lumubog ang araw
Dilim ng gabi’y darating na naman
Sa paghimlay mo isip mo’y naglalakbay sa kawalan
Nakatanaw sa kawalan.

Lumipas na naman ang isang araw sa buhay
Takbo ng buhay moy di mo namamalayan
Sa bawat sandaling darating at papanaw
Buhay moy, tila parang kulang.

Kayamanan at lahat ng kalayawan
Wala pala itong kabuluhan
Kung si Kristo ay wala pa sa iyong buhay
Para kang isang Tupang Ligaw.

No comments: