Wednesday, December 20, 2006

Bundok Banahaw: Unang Engkwentro

”halika muna tsong laro ka?”, ang pagyaya ni Jhun kay Rene upang sumubok lumaro sa Computer game na Counter Strike.

”oks lang ako dre, maya maya batsi na ako”, ang iling ni Rene sa kaklase na siyang may ari ng computer shop na kanyang pinaglilingkuran.

Hinitit ni Jhun ang panghuling yosi at sumenyas kay Rene at akma na itong tatayo upang lumabas sa kuwartong iyon na pulos putukan at pagsabog ang maririnig na sinasapawan pa ng mga malulutong na pagmumura ng manlalaro.

”ganito lang buhay dito dre..”, sabay akbay ni Jhun sa kaibigan. ”..maghapon ako sa labas, sasaglit dito sa shop upang kunin ang sales..tapos uuwi sa bahay at makikipagtalik kay misis!?”

Sabay hahalakhak ang dalawa..

”hindi ka pa rin nagbabago dre, noong nasa high school tayo ganyan na ganyan ka pa kung magsalita…hay! Ang laki ng inasenso mo dre.”, may mga kasunod pang buntong-hininga si Rene.

”wala pa ito sa mga pangarap ko at nais abutin dre..malayo pa ang umaga, hehe”,ang buntong-hininga din nitong Jhun.

”biruin mo dre ha, ikaw noon yong parang walang kainte-interes sa pag-aaral. Aba eh ni wala ka ngang dala na notebook at ballpen noon, hahahaha!”,pagsasariwa pa ni Rene. ”madalas ka pa ngang umescape sa mga ibang subject..tapos ikaw pa itong malakas ang kita. Apat na kuwarto ng kumpyuteran at kumikita ng anim na libo sa isang araw!”.

Umiiling ang Jhun. Parang naliliitan pa sa kita ng kanyang shop.

”naku! Ayaw mo pa non? Alam ko lahat ang kita ng shop mo ano? 2500 sa unang ship at sa aking tokang oras naman ay lumalampas sa 3000!”. Ang pangunguwenta nitong Rene.

”basta may mga plano pa ako dre, iwanan mo na yang kurso mo..hahaha! walang pera diyan! Walang kuwenta yong mga pagdemo-demonstration ninyo noon para lamang ibaba ng eskwelahan ang tuition fee.” ang balik-tanaw din ni Jhun.

”wala ngang nangyari sa mga iyon. Heto nga ako, natapos ng “four years course”, hindi naman makapasok. Kinailangan pang mag-abroad ni Ester para kahit konti ay maka-angat..letseng buhay ito, wala tuloy ako kadyugdyugan sa gabi!”, ang himutok ni Rene.

”hahaha!!hayan ha, na-iimpluwensyahan na kita. Kadyugdyugan ha!hahahaha!!”, ang malulutong na tawa ni Jhun. ”baka madinig ka ni broder Leo niyan! Nyahahaha!!”,

”oi makakalimutin na ako ngayon! Sino nga ulit siya dre?”, ang nalilito kunwaring Rene.

”ulol! Kunwari ka pa dyan! Samantalang anong sigasig mo noon para hikayatin ako sa iyong paniniwala. Hahahaha! O di ba?”, at sasabayan ulit ni Jhun ng halakhak.

”hala! Eh ikaw kaya? Kunwari sumasanib daw si Ingkong sa kanya at si santo nino at paliliitin kunwa ang boses sabay kami naman noon magbibigay ng tig-bente singko at mga kendi, nyahahaha!dinale mo kami doon ah. Sa tuwing hindi ka binibigyan ng nanay mo ng baon, ganon ang raket mo!” si Rene naman ang kakantyaw at tila mapipikon na ang Jhun.

”langya ka! Inom nalang tayo.”, ang pangangambyo ng naaasar nang Jhun.

Nagbababaan na ang mga naglaro ng Counter Strike. Mag-aalas dose na kasi at sa bandang yon ng Taguig ay mahigpit na ipinapatupad ang karpyo, lalo na sa mga kabataan. Mula sa tig-apat na bote ng red horse, may tama na ang dalawa. Nagsisimula nang magbara ang sipon sa ilong ni Rene at namumula na ang mukha ni Jhun.

”boss Jhun, may error po yong koneksyon sa server ng internet, kailangan makakunek yong dalawa pang kustomer, may nira-rush daw”, ang nagra-rush ding salita ni Jenny.

”asan ba si James? Paasikaso mo sa kanya muna”, ang sagot ni Jhun kay Jenny.

”papatawag ko na lang po kay Dennis. Boss, sarado po ba tayo bukas?uuwi po kasi ako ng Laguna.” ang tanong na rin ni Jenny.

”oo,wala tayo bukas, kunin nyo na sahod ninyo mamaya kay misis ha..busta bahala na tayo diyan.”ang medyo senglot ng Jhun.

”san ba kayo bukas dre?”, ang tanong ni Rene.

”taga Quezon province si misis, at tuwing semana santa umuuwi kami don sa side niya dre, hik*”, ang may tama ng Jhun..”kung wala kang pupuntahan dre, sumama ka. Nandon ang sekreto ko nang pag-asenso. Panata ko nang taun-taon..hik*, ang umakyat sa bundok banahaw~”.

Hindi dalawin ng antok si Rene. Hindi niya alam kung bakit. Maaaring epekto ng red horse na nilaklak. Umiikot kasi ang paligid kahit ipikit niya ang mga mata. O maaaring nababagabag siya sa sarili. Sunud-sunod ang mga text ni Jenny:

gcing k pb?uwi ako sa amin tom. Baka Monday na me return. Mami-miss kita.basta txt mko lagi ha. Nyt nyt *muah*



baka Sunday pm pala jan nko.open nba mga malls pag Sunday?pasyal naman tayo ulit..nahihirapan nko lam u ba? Hindi kita madala sa amin.lagi tayong patago..hmmmpp!kakainis! cge na po.



Nong gabing iyon alumpihit ang kanyang kaluluwa. Hindi mapanatag ang kanyang budhi. Animo “sikmura na gustong maduwal” ang kanyang espiritu. Gusto niyang magsisigaw. May kung anong hindi niya mawari sa sarili at walang maapuhap na dahilan kung bakit? Ganon ba katindi ang tama ng red horse sa kanya?

Lumipas na ang hilo niya sa kakabaliktad sa kinahihigan. Nakailang ulit na siyang tayo-higa. Napapag-alaman na niyang walang kinalaman sa kanyang kabalisahan ang kaninang tinunggang red horse. Hindi na niya mapilit ang pag-ihi upang iwala ang unti-unting pagbigat ng kanyang kalooban sa hindi malamang dahilan. Gusto niyang pumalahaw ng iyak.

Magbubukang-liwayway na nang pinakawalan niya ang luha sa kanyang mga mata.



“sabi ko sayo dre, magandang umakyat ng bundok banahaw.”ang wika ni Jhun kay Rene.”dito ka na sa harap dre sumakay.”


Tinahak nila ang kaigsihan ng South Super Highway. Kakaiba na ang tanawin paglampas nila ng Calamba intersection. Nakatulog si Rene.


Kinaumagahan ng Biernes Santo ay nilakad na nila ang paanan ng bundok.

”dre, hindi uubra yang sandals mo. May extra akong rubber shoes, yon na lang ang suutin mo.”ang naninibagong Jhun sa katahimikan ng Rene.

”oks lang itong sandals ko dre, ngayon ko masusubukan kung hanggang saan ang itatagal nito! Hehe”, ang medyo pangiti pang sambit ni Rene.

”hintayin lang natin ang bayaw kong si Elmer, pinabili ko ng red bull dre.” ang nagsasalitang Jhun habang hinihigpitan ang sintas ng sapatos.

Naka-sleeveless lang ang Jhun. Mula sa laging naka-polo barong ngayon ay nakasuot na parang magba-basketball na lang. Nakasinturon pa ang wastebag nito na kulay itim. Parehas silang naka-short. Sa darating si Elmer kasama pa ang dalawa na nakaback bag pa.

”itupi mo ng mabuti ang tent para hindi malaki”. ang utos ni Jhun sa isa.


Parang divisoria ang paanan ng bundok. Sari-saring benta. May krus sa ibat-ibang imahe at korte, rosario na iba-iba rin ang kulay at haba. Sari-saring pagkain na mababaon. Ibat-ibang parapernalya at abubot. Wala silang binili maliban sa sampung bote ng mineral water na 25 pesos ang isa.

”dre, sampo lang ito sa taguig ah?”.ang pagtataka ni Rene.

”wala yan. Tara na.” pagyaya ni Jhun nang biglang bumuhos ang ulan.


Ganoon daw doon. Walang biernes santo na hindi uulan sa lugar na yon. 30 minuto din ang itinagal ng ulan. Nang mahinang ambon na lang ay nagyakag na ang Jhun. Nilisan nila ang munting palengke at binagtas ang isang landas pataas. Nakakailang minuto pa lang ay ramdam na ni Rene ang panloob na hapdi ng kanyang hita. Parang napuno ng hangin sa loob. Bumuhos muli ang napakalakas na ulan, dahilan upang ilatag nila ang dalang tent sa gitna ng kakahuyan.


”kuya, mukhang madulas ang dalisdis paakyat. Masyadong malakas ang ulan eh”, ang Elmer na may punto pag nagsalita.

”mukhang bibigay ang sandals na padala ni misis sayo dre, hehe!”.ang ngingiti-ngiting Jhun.

Tiniklop ni Elmer ang tent pagkasilip ng haring araw ng mga bandang ika-10 ng umaga.

”bilisan ninyo, sa may sapa na tayo magpahinga.”, ang pasigaw na Jhun. Matikas siyang umakyat. Palibhasa sanay. Kulelat ang Rene kasabay ang isa pa.

”dre, wag kang hihinto ng paghakbang. Lalong mararamdaman mo ang sakit sa hita. At huwag hihinto dahil tatamarin ka na, hehe. Walang atrasan dito loko!”. ang mga pananalita ni Jhun.

Tuluy-tuloy sila sa pag-akyat. Hindi nila daw tinahak ang talagang akyatan kasi walang masyadong hamon. Marami pa silang makakasabayang mga “akyatero”. Dista-distansya sila. Walang kau-kausap. Kanya kanya ng iniisip. Kanya kanya ng paraan sa paglalakbay.

”dre, dba marami kang naiisip pag mag-isa ka lang na umaakyat?”,ang sabi ni Jhun nang magkahintayan.

Tama ang kaibigan. Maraming mga dumadapo sa kanyang isipan habang alumpihit siya sa pag-akyat. Nakakaramdam siya ng inis, ng galit. Hindi dahil sa nararamdaman na niya ang hirap sa pag-akyat, kundi naiisip niya ang kahangalan ng kanyang sarili.

”hintay ko kayo sa sapa..sundan lang ang dalisdis na kung saan may agos!!”, ang sigaw ni Jhun mula sa di-kalayuang taas.


Nanggigigil si Rene sa bawat hakbang niyang paakyat. Tila walang katapusang mga lupang-hagdan.

”~..sige, mapagod kah! Yan ang dapat sayo!!”,ang sa isip ni Rene. Naiinis siya sa sarili. Nakikita niya ang kanyang pagiging makasarili.

”ayoko sanang lumayo, sana maintindihan mo ako!! Pero kakayanin ko para kahit papaano may maiharap tayo sa mga anak natin. Ipangako mo lang na magsasakripisyo ka rin ha?”


ang mga naaalala niyang pangungusap ni Ester bago umalis abroad. Siya dapat ang umalis..siya dapat ang nakakaramdam ng mga pangungulila. Siya dapat ang nagsakripisyo sa malayo. Siya dapat ang lumasap ng tila parusa sa bansang iyon na gapos ang kalayaan. Siya dapat ang nag-abroad. Bakit ang asawa niya ang kakayod para lamang mabayaran ang mga utang na siya ang may likha?


”dre, matibay nga ang sandals mo ah”,nasa harapan na pala siya ni Jhun.

Buntong-hininga lang ang naitugon ng Rene. Nakarating sila sa sapa. Mula doon ay naghugas sila ng mga putikang paa at sapatos sandals. Sa totoo lang, hindi naman sapa ang itsura ng tinatawag nilang sapa. Kundi munting bukal lang na kung saan walang tigil ito sa pag-apaw at pag-agos pababa.

”elmer,dre, sa tatlong tangke tayo dadaan.” ang sabi ni Jhun.

”tatlong tangke?, ang tanong ni Rene na hindi na sinagot ni Jhun.


Hindi masyadong matarik ang yugto ng kanilang pag-akyat ngayon. Subalit napakadulas ng putik. Ibang klase ang putik doon, parang “nylon” na pag nagkamali ay lubos ang iyong pagbagsak. Mga puno ng antigong ipil-ipil ang kinakapitan nila upang pangontra sa dulas ng binabagtas na putik. Madaya ang putik, akala mo ay makapit subalit madulas ito pagdikit sa mga panapak. Kasingdaya ng relasyon at pagtatalik nila ni Jenny. Kasing-switik ng kanyang hungkag na sarili. Hindi siya makaipon kahit 300 daan ang kanyang kupit araw-araw sa shop ni Jhun!

Sinasadya ni Rene na ihampas sa sarili ang mga kinakapitang sanga ng ipil-ipil. Sinasadyang ding ihada pati ang palad sa maninipis na kugon upang mahiwa!

”dre, asan ang tatlong tangke?”ang tanong ni Rene pagkadating sa tinatawag na tatlong tangke.

”isa na lang ang tangke ng tubig na makikita dito.wala na yong dalawa pa!”ang tugon ni Jhun.”sa kapatagan na tayo manananghalian..”


”kapatagan?”, ang tanong sa isip ni Rene.

Nagtataka siya kung paano nagkaroon ng kapatagan sa bundok. Hindi pa rin niya matantiya kung gaano na kataas ang kanilang naaakyat. Pawang naglalakihang mga puno ang natatambad sa kanila, at mangilan-ngilang “akyatero” ang nakakasalubong mula sa ibat-ibang anggulo ng bundok. Kanya-kanya kasi ng lugar sa pag-akyat,kanya kanya ng estilo, at minsan mula sa kinamulatang matandang pamahiin. Subalit kahit iba-iba ang sulok ng pinag-umpisahan ng pag-akyat, lahat ay dumadaan sa sinasabi nilang kapatagan. Doon nagkikita-kita ang ibat-ibang mang-aakyat at panatiko.

Naging matarik at mabangis ang mga sumunod na pag-akyat nina Rene. Halos humihinto siya talaga sa pag-akyat. Bawat likuan na may mga munting tolda at kubo ng tindahan ay bumibili siya ng softdrinks at palamig gaano man ito kamahal. Nakaramdam siya ng panghihina. Subalit may lakas siyang nararamdamang umuusbong sa kanyang kaibuturan.


”dre, kaya pba?” ang medyo pasigaw ni Jhun mula sa malapit lang na taas.

”napapaihi na nga ako sa kalbaryong ito dre!” ang tugong may hingal ni Rene.


Sa yugtong ito, marami na silang nasasalubong at nakakasabayang mga tao. Masaya na. Subalit sunud-sunod na trahedya naman ang namamalas. Kitang-kita ni Rene kung paano dumausdus pababa ang isang babae mula sa taas. Nasabit ang binti sa isang ugat sanhi upang mabakli ang buto nito. Mahina ang signal ng kanyang nokia 3210 kaya maging ibang nandoroon ay hindi makontak ang mga rescuer.


Saglit silang nakapagpahinga sa insidenteng yon.


Inabot na si Rene ng pagkatamad. Bumagal na siya sa pag-akyat. Ramdam niyang muli ang mahapding pamimintig sa kanyang hita. Napupuno na naman ng hangin ang dibdib. Hinahabol ang hininga. Huli na naman siya. Tila wala na namang katapusang hagdang-lupa ang tinatahak paakyat. Tulay na puno! Madulas na hagdang-lupa! Paikot na dalisdis! Ilang balding tagaktak ng pawis. Hindi mabilang na buntung-hininga. At sa wakas! Kapatagan na!

”yung bangus na paksiw na lang sa akin dre”.ang sabi ng gutom ng Rene.

Pinagmasdan ni Rene ang sinasabing kapatagan pagkakain. Mahigit sa 500 raan ang nakahimpil doon. May kanya kanyang tent. Kanya-kanyang gimik. Walang pinag-iba sa mga taong namamasyal sa luneta. May nakahilata,may nagdarasal, may nagsisikain, at iba-ibang pakulo ng kanilang panata.

”nasa gitna pa lamang tayo ng bundok dre..kailangang umabot tayo sa tuktok. Mas maraming tao roon. Doon natin itatayo ang ating tent.” ang sabi ni Jhun.

Nanghina lalo ang Rene. Parang hindi na niya kakayanin. Subalit naiintriga siya sa tuktok na yon. Mag-aalas tres na nang nilisan nila ang kapatagan.

”noong una kong itinayo ang shop, nag-umpisa ako sa apat. Typing lang ako noon. Yon ang taon ng una kong akyat sa bundok na ito.”ang pagkukwento ni Jhun.

”naiinggit nga ako sayo dre. Natamaan mo ang “IN” na negosyo ngayon.”, ang Rene na medyo nakakasabay na sa pag-akyat kay Jhun. Yung tatlo naman ngayon ang nahuhuli.

Marami silang napag-usapan. Hindi nila napapansin na lumalamig ang paligid. Nasa taas na sila. Gayunpaman hindi pa rin matanaw ni Rene ang baba dahil sa tayug at kapal ng kakahuyan.

Humimpil silang dalawa sa isang puno na kung saan tanaw ang paglubog ng araw. Kulay pula ang kanluran. Hindi na maintindihan ang iba pang sinasabi ni Jhun. Nahalina siya sa ganda ng kaulapan. Iba ang dating sa kanya. May mga bagay siyang hindi nakikita sa paligid.

”Go! Go! Go!”, ang hudyat ni Jhun.

Nasanay na ang mga hita ni Rene. Tila namanhid na ito at wala na ang kaninang kirot at hapdi. Mag-iika-walo na ng gabi nang marating nila ang taluktok ng bundok banahaw.

”dre mag-kape muna tayo bago mag-ulam ng sardinas. Yun lang ang mabibiling ulam dito..mga de lata.”, ang sabi ni Jhun.

Napakagaan ng kalooban ni Rene. Sulit ang kanyang naranasang hirap sa pag-akyat. Nanunuot ang lamig sa kanyang katawan subalit ang init ng kagalakan at kasiyahan ay umiigting at pumupulupot sa kanyang kaibuturan. Tanaw niya ang kailawan ng mga siyudad: ang laguna, ang lucena, ang Quezon, ang Batangas. Tuwang-tuwa siya nang nahahawakan niya ang ulap na animo usok lang na dumaraan sa kanya. Ramdam na ramdam niya ang hagod at sampal ng hangin.

”dre ok na yong tent natin.” ang tinig ni Jhun.

Mataman niyang minamasid ang mga taong naroroon. Tahimik at waring inaalam ang tadhana nila. Gising halos ang lahat. Inaabangan ang pagbubukang-liwayway.

”dre, stay ka lang sa shop. Madami akong plano. Pag-nai-market ko yong aking program sa POS, kasama kita don.” ang pangako ni Jhun.

Subalit tumatanggi ang isip at puso ni Rene. Wala doon ang puso niya. Hindi yon ang kanyang linya. Nais niyang tuldukan ang pagnanakaw niya sa kaibigan.



Kinabukasan, sumilay ang araw. Bawat silahis ng sinag nito ay iba ang dampi sa mga balat ni Rene. Tila kuryente itong nanunuot sa kanyang kalamnan upang ihulma ang isang panibagong pananaw sa buhay.



Matapos mamalas ang ganda ng umaga, pumanaog na sila. Dinaanan nila muli ang mga lugar na pinaghirapan nilang akyatin. Napapangiti ng lihim si Rene. Hindi niya akalain na makakaya niya ang mga matatarik na hagdang-lupa, ang madudulas na putik, ang makikitid na dalisdis. Hindi rin niya akalain na kaya na niyang limutin si Jenny at handa na siyang maghanap ng ibang trabaho na ayon sa kanyang linya.

Pauwi na siya ng Manila ng tumawag si Ester. Pumayag daw yong employer niya na pwede na niya siyang kunin bilang Maintenance sa Ospital niyang pinaglilingkuran sa abroad.


Sa ngayon, apat na taon na siyang nasa Riyadh Saudi Arabia, kasama ang kanyang asawa.




(note: kasama po ako sa mga umakyat ng bundok banahaw) (“,)

No comments: