Thursday, December 14, 2006

Ang Soap Opera ni ISKA

"..ate tayo na, pakidala yung bulaklak bilis baka mahuli tayo..", pag aapura ni Iska sa kapatid nya na nooy hindi maikabit-kabit ang bra sa pag aapura.

"oo sige,lintek itong bra na ito! pakidala mo pla yong mga sampaguita sa altar ni mama mary!..", ni Uryanang habang nakakulapol ang tuwalya sa ulo dahil bagong ligo.

Sila ang mga auntie ko na taga Malate. Madalas ko sila noon na nakikitang umiiyak, nayayamot, at nakikisimpatiya kay ANALIZA. Sa tuwing sasapit ang hapon ay nakatutok na sa TV ang dalawa at santambak na POMPOMS at KROPEK ang nilalantakan habang pinagtitiyagaan ang isang rotary na toshibang TV na noon ay kailangan mo pang alugin para bumukas. Medyo marungis na ang TV. Subalit malaki ang pakunswelong-hatid ng telebisyon sa dalawa.

"..ate san ba yung Loyola memoryal?..", urirat ni Iska habang tinutooth brush ang kanyang pustiso.

"..sasabay na lang tayo kina manang Itik, apuraem ngamen!..", ang ilokatog nyang sagot sa kapatid.

Ang araw na ito ang pinaka-huling hugot ng mag ate sa opurtunidad na maipakita ang pakikiramay sa yumaong bida ng Analiza. Ang pagkamatay ng inidolo ay nagpakulimlim ng kanilang dapithapon. bagamat replay na lang ang Analiza noong mga panahong iyon ay ayaw na nilang panoorin. Iba na kasi ang dating ng Analiza. May kalungkutan ng lumalambong. May hapdi nang hatid sa dibdib. Hungkag na ang banghay ng estorya.

"..manang, asan na yung mga kandila?..", ani Iska, ngayon ay pusturang-postura ang bihis.

"..dadaanan na lang daw ni manang Itik..", ni Uryanang,"..pakidala mo yong kodak natin para may rimimbranz..", sa bigkas at puntong ilokano pa.

Hindi rin nawaglit sa isipan ni Iska ang mga larawan ni Julie Vega na kanyang kinolekta at ginawang album. Isinilid nya ito sa bag nyang kulay berde.

"..ayna apo, nakagal galas nga hambag, san nga ata iti pagikkam dita..", mahinahong-bulyaw ni Uryanang.

"..eh wala naman tayong bag na dito na paglalagayan manang..", sagot ni Iska habang pinaglalabas-masok ang pustiso sa bunganga.

Hindi pa natatapos si Iska ng pagsasalita ay biglang naputol ang hawakan ng bag at nalaglag ang album na kung san nakalagay ang mga koleksyon ng larawan ni Julie Vega. Sa lahat ng matatambad na larawan ay yong larawan niya sa pelikulang Lovingly Yours Helen na kung saan inaalihan sya ng demonyo.

Biglang lumangitngit ang pinto nila, may nagbukas....

“..anya intayon..?”

“..hay naku! Si manang Itik pala..”, ang nagulat na Uryanang.

“..bakit sino ba inaasahan niyong darating? Si Guido na kumidnap kay Analiza?.”, sabay bubungisngis si Itik.

“..anya met ni manangen, ipinaalala pa..”, ang sabi ni Iska.


Nasa pinakahuli sila ng pulutong ng nakikipaglibing. Lubhang makapal ang mga tao. Hindi magkamayaw. Sari-saring amoy ang nalalanghap nila.

“..bili lang ako ng palamig ha..”, ang Iska na kanina pa piga ng piga sa “good morning” niyang tuwalya.

[i]“..dalian mo at mahuhuli tayo..,” si Uryanang.

Mabagal ang usad ng prusisyon. Nakakabagot para sa isang hindi panatiko. Hindi kababakasan ng pagod at pagsisisi si Iska sa pakikipag-prusisyon sa libing. Kahit napakalayo niya sa kinalulunanan ng kanyang idolo ay alam niyang natutuwa sa kanya ito.

“..hoy!..” si Uryanang,.”..ngingiti-ngiti ka dyan. Agbagtit!..”

Yon pala pinaglalaro na niya sa isipan na siya ang papalit na Julie Vega sa soap operang Analiza.

“..hihihi~, si ate naman, maglakad lang tayo.asan nba?malapit na?.”,nakangising Iska.

“..Wen. pero mahihirapan tayong makapasok..hintayin na lang naten na kumonti ang tao..”, sabi nga ni Uryanang.

Sumuling muna sila sa isang maluwag-luwag na tabi.

“..hoy! mga ilokogtot..”, boses bisaya.

“..nye! nandito ka rin?..”, ang pagkabigla ni Iska.

“..Oo, uuwi na ako. Magluluto pa ako ng ulam. Mainit ang ulo ni Kabise kanina. Natalo sa madyong.!..”, ang tsismosang si Andang.

“..hayy!!..” ang buntong-hininga ni Iska.

Ang kaninang maliwalas na mukha ni Iska ay unti-unting lumamlam. Hindi dahil naghahatid siya ng isang patay. Nalala niya, hindi pala sila pinayagan ni Haya na umabsent. Kailangang pumasok sila sa restauran.

Nabaon sa utang ang kanilang ina kay Haya, isang negosyanteng patpating Intsik na may pitong anak. Ikinamatayan na ng kanilang ina ang utang na yon. Sumasahod lamang sila ng anim na raan (600) kada buwan. Malakas ang restauran.Doon halos kumakain ang mga tao, mulang almusal hanggang hapunan.Bukod kasi sa mura na at masarap pa ang luto ay talagang lugod na lugod ang mga mangangain sa kakusaang-palo,kagalakan, at katapatan ng mga tagapagsilbi katulad nina Uryanang at Iska. Sadyang likas na bukal sa diddib ng magkapatid ang pagganap sa papel bilang mga serbedora.

Sa aktibistang pananalita, masang-masa ang restauran ni Haya. Maliit pa ako noong madala ako nina auntie Iska sa restauran iyon. Kahit medyo marungis ang paligid, may paminsan-minsang biglaang sumisilip na daga sa may estanteng tanghalan ng mga lutong ulam at ipis na gumagala-gala sa mesang kainang tipong gusto nang habulin ng basurahan ang kinupas-kupas at pinunit-punit nang mantel ng pagkakuripot ni Haya dala ng pagpapaaral sa pitong anak na panay babae na nagmana halos sa kanyang kapayatan, kaputian, at kasingkitan. Wala man lang ni isang humawig sa itsura ng asawang naglaglagan nang lahat ang mga ngipin sa panganganak, tuloy mukha nang ginulat na umiihing ita.


“..Iska..oy! lapit tayo sa banda roon..”, ang yaya ni manang Itik.

Oo nga pala. Medyo marami pa rin ang tao sa bukana ng Sementeryo.


“..isusumbong kita sa nanay ko.! Huhuhuhu! (hikbi! hikbi!)..”, ang palahaw ng isang bata sa malapit.

Nakatawag pansin kay Iska ang sagot ng batang umaway:”..katulong lang namen nanay mo, baka sinulidin siya at tahiin ng mama ko..”!

Nanggigil sa inis si Iska. Lalo higit sa yaya na wala nang inintindi kundi ang simutin ang “ice drop” at “cotton candy” na para sana sa isang umiiyak na bata.

“..pssst!..”, sutsot ni Iska sa papadaang yosi-tinda-boy na nakangiti pang parang inorder na callboy.

“.tukmol!, huwag mo nga akong ngitian, sigarilyo mo ang type kong hithitin hindi yang sayo..”, pagsusungit nitong Iska.


Maliit pa lang kasi sila ay kay Haya na nakatira. Walong taong-gulang lang siya noon ay kinatulong na. Madalas siyang kurutin sa singit ni Kunada (asawa ni Haya). Napipingot siya araw-araw dahil laging may basag na pinggan sa tuwing maghuhugas. Ang mga dalagitang anak ni Haya ay kay ate Uryanang pa nagpapahugas ng lintek na puwit pagkatapos tumae. Siya naman ang madalas gumising sa umaga upang itapon ang 3 arinola na umaalimpuyo sa kapanghian.

Maluwang ang bahay ng mag-anak na intsik. Natatagalan nilang magkapatid ang bigat ng trabaho bilang katulong. Subalit suko sila sa kakuriputan at kasungitan ng asawa at mga anak ni Haya. Ipinagdadamot ng mga ito ang pagkain. Nasanay nang kumain sina Iska ng kung anong matira sa paminggalan. Kakarampot lang madalas ang natitirang ulam kaya’t napipilitang hawanan ni Uryanang ang mga tira-tira upang makabuo ng mailalagay sa sikmura. Hindi malimutan ni Iska ang pagbatok sa kanya ni Kunada dahil sa pagkuha nito ng tikoy mula sa estante. Simula noon, madalas silang taguan ng mga tsokolate at mansanas. Mas ninanais pang ipamudmod nina Haya sa mga kalahi nilang mayayaman ang mga tira sa restawran kaysa sa dalawang magkapatid.

Alam na alam niya na madalas hipuan ni Haya ang ate Uryanang niya. Dahilan iyon para humanap ng ibang matitirhan ang magkapatid. Subalit naiwan pa rin ang obligasyong bayaran ang utang ng nasirang ina sa pamamagitan ng pagsisilbi bilang mga serbedora.

Lalong nagmalupit sina Haya sa dalawang magkapatid nang humiwalay ng tinitirhan. Hindi na pinasasahuran si Uryanang.


“..Flor De Luna! Flor De Luna!.”, ang pumihit kay Iska na kanina pang hitit ng hitit ng sigarilyo.

Napatayo siya bigla subalit huli na. Hindi man lang niya nasulyapan si Janice De Belen na bida sa Flor De Luna.

Sa tuwing naalala niya ang mga tagpo sa Flor De Luna at Analiza ay nabubuhayan siya ng loob. Nagkakaroon siya ng pag-asa.

Halos wala nang tao sa Loyola Memorial Park. Subalit may mga bantay pa rin. Nakalapit na sila Iska sa libingan.

Ngayon muling lumuha si Iska. Hindi dahil nakita na niya sa huling hantungan ang libingan ng inidolo.Kundi sa mapait nilang kalagayan sa kamay ng mga mapag-imbot na dayuhan. Ang damdamin niya ngayon ay kahalintulad ng damdamin din noong namatay din ang kanyang ina. Kawalan ng pag-asa. Para siyang nakabitin sa ere. Alam niyang hindi na madurugtungan pa ang soap operang Analiza. Subalit ang iniwan nitong banghay ay kikislap sa yugtu-yugtong buhay-alila nina Iska at Uryanang.

No comments: