Wednesday, December 20, 2006

Sa pagitan ng dilim at liwanag

Sa pagitan ng dilim at liwanag, ginagagap ng kanyang kamalayan ang alibughang anak. Unti-unting ginagapang ng lamig ang kalamnan ng matanda. Kumukubabaw na ang kamanhiran sa kanyang animo pinanawan nang dugong mukha't katawan.

"wag niyong hayaang ipikit ni nanang ang kanyang mga mata", ang hindi magkamayaw na Mersing sa kakapahid ng mainit na tubig sa matanda.
"kagatin mo yong hinlalaki ni Nanang!", ang natatarantang utos sa akin ni Mersing.

Sa silid na yon tila nagsaklob ang unos ng kalungkutan at karagatan ng pangungulila. Katatapos lang bumagyo't bumaha noon at hanggang bukung-bukong pa ang lan-ak (putik-baha) na iniwan ng baha. Napakalungkot ng paligid. Ang mga halamanan sa paligid ay nagsihapay. Bumuwal ang puno ng santol. Nagsilaglagan ang mga bunga ng aratelis. Ayaw tumilaok ang mga tandang at inahin. Ang mga dayami ay nagsikalat sa mga damuhang iwinasiwas at ikinulapol ng mapagbandong tubig-baha. Nalagas ang mga dahon ng dalawang mayabong na puno ng akasya. Walang sumisilip na kahit silahis at sinag ng araw kahit tapos na ang unos, anupat ni kahit isang ibon ay walang nangahas pumagaspas sa himpapawid.. Ang bigla-biglaang bugso ng hangin ay parang humuhudyat ng lalong pag-alon ng dagat-dagatang kalungkutan at pangungulila upang isagisag ang madilim na pakikiramay sa maiiwanan ng nag-aagaw-buhay.

Napatingin ako sa animong wala na sa katinuang mukha ng matanda. Naiyak ako. Parang gusto niyang sabihing ayaw na muna niyang pumanaw. Kumikibot-kibot ang kanyang mga labi na parang may sinasabi.

"oo Nanang, lumaban kayo!", ang sabi ni Mersing, "makikita niyo pa si Esting".

Waring nabuhayan ng pandama ang naghihingalo nang marinig ang ngalan ng pinalaki niyang bata. Oo nga pala, si Esting. Ang batang basta nalang umalis upang hanapin ang kapalaran sa Maynila at iniwan ang matanda at kahit minsan ay hindi na nagbalik man lamang at sumilip.

"lagi niyo akong pinakukuha ng damo para sa mga baka at kalabaw eh ayaw ko nga ng tarbahong-bukid!", ang nauulinigan ko pang reklamo ni Esting sa matanda noon.

Kung alam ko lang kung saan makikita ang batang yon ngayon lumipad na ako. Naluluoy ako sa aking nakikita. Nalalanta ang aking pandama. Nagsusumigaw ang aking budhi. Bakit kailangan kong makakita ng ganitong eksena. Hindi ba sapat na makita ko lagi si nanang Saring na umiiyak kada hapon sa batalan? Bawat lugar at gawain niya sa araw-araw ay inuulan ng kanyang luha. Minahal niya ang batang iyon kahit alam niyang ipinahiram lang siya ng tadhana. Naunang pumanaw ang asawa niyang napagkaitan ding iwanan siya ng isang giliw na anak. Si Esting ang batang giniliw at gumiliw din sa kanilang katandaan.

"nanang Sarinngg!!!, ang palahaw na ni Mersing.

Muli kong hinagisan ng tingin ang matanda. Magkabilang luha ang pumatak sa mga mata nitong ayaw pa sana niyang ipikit. Alam ko ang nais ni nana Saring. Subalit kahit sa huling sandali ay hindi niya nasilayang-muli ang kanilang giniliw na Esting.

Napatalilis ako sa likod-bahay. Nasaktan ako. Hindi ako kaanak, subalit tila nasalo ko ang lungkot na yon na naiwanan. Waring naiwan din akong lumalangoy sa karagatan ng kalungkutan. Mula sa kawayanan paparating si lola ko Edang. Agad ko siyang sinalubong at niyakap.

No comments: