Saturday, December 5, 2009

Ang mga huling Tipa at Teklada ni Santiago Lopez

“oi pare sama ka naman sa gig namin sa sabado”, madalas akong yayain nitong kapitbahay kong mahaba ang buhok.

“sa sabado ha, sama ka brod”, ang palaging anyaya sa akin.

Kahit sa mga emails ko may mga nag-iimbita sa akin na sumama sa kanilang gig.

Hindi bago ang salitang yon, katunayan sa mundo ng mga kumpyuter teknisyan palasak ang salita. Akala ko tuloy hard disk at memory na may kung anong gig.


Bagong lipat si Santiago. Ooops! Hindi pala yon ang apelyido niya.

“pare Lopez ang surname ko..”, ang banggit niya agad nong nagkamayan kami. Santiago Lopez, ayos at astig na pangalan. Maporma. Kakaiba. Gigolo ang dating. Masarap ipagmalaking pangalan, hindi katulad ng Andronico Mistococo at ng Gustavo Calendaryo. Ehehe, pinoy na pinoy ang dating. Pero ang Santiago Lopez na titulo ay kakaiba. Natuwa lang ako ng malaman na kapitbahay ko ay si Santiago Lopez.

“pare sigarilyo”, minsang yaya niya sa akin. Iling lang ako. Hindi naman sa ayaw kong manigarilyo noh? Hindi lang ako marunong humitit, ~ahihihihh~. Bibig buga kapag hitit lang ako. Diyahe!

Mahusay pala siyang tumipa ng gitara. May “K” pa ang boses. Mas maginhawang pakinggan ang tinig niya kesa sa boses ng tagalaba ni Aling Lucia na si Melba. Kainis kasi. Kada naglalaba yon sa ibaba, laging may sonatang nakahanda. Mga sonatang kahit 12 strings guitar ay hirap habulin ang teklada. Mabuti nalang at kababayan niya si Manny Pacquiao kundi nawalan na siya ng maipagmamalaki.


Teka, tigilan na nating itsismis si Melba.

“sige pare, kapag libre ako sama ako sa gig nyo”, ang sagot ko minsan kahit hindi ko alam kung ano yung sasamahan ko.

“ayos pare, asahan ko yan ha”, sabay hawak niya sa kamay ko bilang pasalamat ni Santiago.

Kahit nasa loob na ako ng bahay at iniinstallan ng mga iso games ang psp deep-red ng pamangkin ko ay misteryo pa rin sa akin ang salitang “gig”. Namalayan ko nalang na marami na pala akong messages sa cellphone.

Ano pa ba ang aasahang mensahe sa aking cellphone kundi mga magpapa-install ng OS at mga walang kamatayang nagpapa-edit ng kwento ng mga nagpupumilit pasukin ang mundo ng pagsusulat.

“kuya rejek ung sinulat kong ghost story, nd daw substantial. Kainis, shokla kasi yung editor, tapos conyo yung prof reader nila! Buset!”, ang text ni Shane. Hehe, natawa lang ako at nagreply ako ng ganito: “baguhin mo na kasi ang banghay ng mga nobela mo. nong panahon pa kasi ng young love sweet love ang mga idea mo”, sabay sunod na text ko ng “hahahaha”. Sabay rereply siya ng: “kuya naman,kainis ka!”


Nagbra-browse na ako sa internet ng marinig kong muling tumitipa ng gitara si Santiago Lopez. Hindi ko kabisado ang mga tugtog niya. May mabilis, may mabagal. Yung iba alam ko. Maganda ang boses. May “K”.

“pare si Abby pala.”, pinakilala niya sa akin. Abah agad kong kinamayan. Kaso nasalat ko agad ang mga dulo ng mga daliring dumaiti ay puro kalyo.

“musician din sya, basista namin sa grupo,” ang wika ni Santiago Lopez. Hmmm..nagkaron na ako ng ideya kung ano sila.

“so pare sa sabado ha, sama ka sa gig namin”, ang pasunod na imbita niya. Parang may ideya na ako pero hindi ko pa rin magagap ang larawang gusto kong maunawaan.



Kinabukasan, approved na ang unang 5 yugto ng aming ghost stories ni sir Jake. Kahit hindi namin mahanap si Jose Arrogante para magpa-edit ay nagustuhan ang aming unang entrada.

“pare mamaya na ha, gig na namin”, ang paalalang muli ni Santiago Lopez..

“ok pare sama ako”, ang pasya kong sagot para matapos na ang aking mga tanong. Silay ko kung gaano ang tuwa ng mukha niya ng masuyo akong sumagot. Magaan ang loob ko nong una pa kay Santiago. Tila may matututunan ako at parang may ituturo siya sa akin. Kung tuturuan niya akong mag-gitara, dagdag talento yon since marunong na din akong mag-gitara.


Pinasundo niya ako kay Lhane mga alas diyes ng gabi. Nagtraysikel na lang kami. Tila malapit yong pupuntahan namin.

“hoy manong sure mo na may dala kang pang-inom ha”, ang biglang sabi ni Lhane.

“oo meron naman, ako pah”, ang biro ko. Pero sa totoo, iba ang nasa isip ko. Iba-iba ang nasa isip ko. Magkakantahan ba kami, tapos iinom, at kapag laseng na ay may magaganap na orgy? ( [i]nakow, naalala ko si hadhad na Robcoun,musta na kaya yon?[/i]) Naku! Jackpot kung ganon. Ganon ang nasa isip ko sa gig na pupuntahan naming, may orgy!? Ano bah kuya?

Pero hindi pala ganon. Inuman lang sa isang Restobar na nilalangaw. Apat lang ang lamesa na okupado at kami ang mas marami. Yong nasa aming harapan ay dalawang lalake ang naka-upo na tumutoma na maya’t maya ay nahalik sa katabi. ~eeewww! Hindi ko alam kung sino silahis.

Ang isang lamesa ay nasa likuran namin. Panay lingon ko sapagkat madalas kung mahuling nagnanakaw ng halik ang kalbuhing lalake na katabi ng babae. Hindi rin ako sure kung babae nga yung ninanakawan ng halik. Grupo naman ng mga damatans ang nasa aming kanan. Ang lalakas lumaklak nong isang ubanin na kasama nila sa table. Tahimik lang ang nasa aming kaliwang lamesa. Panay lang sila ng hitit sa sigarilyo. Sa bawat lagok ng colt45 sabay hitit at lamon ng usok sabay buga. Nyay!Ginagawang pulutan ang sigarilyo.

Kami lang ang maiingay. Lalo itong si Bernadet este Bernabe, ang bading na gigolo at may taglay na pang-romansang balbas.

“hoy bernabe, mag ahit ka naman ng balbas mo at magpakatotoo ka ng bading ka!”, ang tudyo ni Lhane, sabay halakhak. Sabi ko na’t may makakapansin sa balbas nitong si bernabe. Kung kumirit naman ang lamya lamya. Susme!

“pareng dave, tagay bote ba or basuhin mo nalang?”, ang medyo malabong dating na bigkas nitong si Dick. Akala ko kung sinong babasuhin, hakhakhak, yon pala yung colt45. “basuhin ko nalang with ice”, ang naging sagot ko.


Band member si Santiago Lopez. Hindi masyadong kilala ang banda nila. Bandang binuo lang nila sa bahay nina Adong (ang pianista nilang gapiso ang laki ng mata). Kakatapos lang ng una nilang salang. Parang walang maka-appreciate ng tugtog nila maliban sa amin.

Kami pala yung mga amuyong, mga kunwa diehard fans ng banda nila. Sunud ako sa palakpak, sa hiyaw, at madalas nahihila akong sumayaw sa front floor. Lintek, kahiya! Pero as a sign daw ng suporta sa banda. Hay naku! Inumaga talaga kami na walang orgy. Hahaha. Ako ang na orgy, 270 petot ang naipaluwal ko sa natoma. Share share naman e.


Hmmm..may konting inis ako. Yun pala ang gig.

Hay, tinulog ko maghapon!



Binulabog ako ng katok sa pinto ng tagalaba na si Melba.

“..hoy kuya patay na si kuya Santiago..”, ang sigaw ni Melba.


Bigla akong bumangon, akala ko kasi panaginip! Pero, totoo. Hayon dinig ko pa katok at boses ni Melba.

Pinagbuksan ko.

“..hindi mo ba narinig kuya? “, ang humihingal pang si melba.

“..ang alin?”..,habang nagtatanggal pa ako ng muta.

“..may kumuha nga ng mga damit ni kuya Santiago dahil nasa Morge na daw at iimbalsamuhin na!..”, ang humihingal pa ding si Melba.


Kinabukasan, araw ng Lunes (December 03), may lamay na dito sa amin. Kami ang nagsilbing guardian para makuha ang bangkay. Medyo masakit sa bulsa, 6k din kasi ang nai-ambag ko.

Walang kamag-anak. Nagsimula akong magtanong kung san ito nakatira. Gusto ko rin kasi mabalik ang naipaluwal kong 6k. Taga Polo Pagbilao Quezon daw si Santiago Lopez. Walang nakakaalam sa kanila na patay na siya.

Malala na daw ang canser niya sa bituka, ayon sa napagdalhang ospital. May mga ibang detalye na ang ikinamatay niya, hindi ko na inusisa dahil maami na akong nabasang kwento at nobela na ganon ang senaryo.

Pero bunsod siguro ng hangarin kong makasingil sa 6k na naipang-share ko kina Lhane hinanap ko ang Polo sa Pagbilao. Ang layo pala! Umalis kami ditto sa amin ng maaliwalas ang panahon. Pagdating namin sa Lucena nagsungit ang panahon!

Maluwang ang Pagbilao, pero itinuro sa amin ang mga sasakyan papunta sa Polo. Kumpol kumpol ang mga Isla na pawang pagma-may ari DAW ng mga dating Gobernador at Kongresista ng Quezon Province. Madalas nagkakapatayan dahil sa mga sapilitang pagbebenta ng mga “lupaing hindi malipad ng uwak sa maghapon”. Maganda kasi ang location. Kung milyunaryo ka, ika nga susugal ka. Gandang gawing beach resort ang mga bundok na mabibili mo.

Dito ko nadaanan ang mga nirerelocate na tao. Binili na daw ang lupa nila ng isang mayamang tao. Diyos ko! Akala ko noong dekada 70 lang at dekada 80 merong ganitong kwento. Hanggang ngayon pala meron pa ring ganitong kalakaran.

Itinuro kami ng mga tao sa gawing dulo. Kilala nila ang mga Lopez.
Munting barung barong ang bahay nina Santiago Lopez. Tatlong bata ang nasilayan ko sa labasan, mula edad 9 pababa siguro mga 4 na taong gulang. Agad akong sinalubong ng isang matandang lalake ( kasama ko noon si Lhane at ang kaibigan kong si Jake). Tinatanong kami ng matanda kong ahensya kami ng Gobyerno. Ewan kung bakit.


Sa loob ng halos 2 oras ng pakikipag-usap sa kanila, hindi namin masabi na patay na ang kanilang anak. [b]Kinulapulan kami ng habag sa nakuwento nila sa amin.[/b]. Nag-iwan ng 500 hundred ang kaibigan kong si jake a matanda, sa sobrang awa. Hindi maawain si jake, pero noon ko naramdaman ang puso niya.


Kasama namin pag-uwi ang asawa ni Santiago at ang kanyang panganay na anak. Maluha-luha kaming tatlo habang binabagtas ang kahabaan ng daan pabalik ng Lucena City. Ikamamatay kasi ng dalawang matanda kapag malalamang wala na ang kanilang kaisa-isang anak.


Hindi ko masabi sa asawa niya na wala na si Santiago. Hindi lang magagap ng aking pang-unawa kung bakit kailangang ipagpalit ni Santiago Lopez ang kaniyang pamilya sa hilig sa musika. Subalit nasa isang gilid ng aking kamalayan ang dahilang ayaw niyang abutan ng kamatayan sa palad ng kanyang mga mahal sa buhay.

Friday, December 5, 2008

Ang pandesal at si Tatang Esong

"..poott!.." "poott!" "..poott.."

Hayon na naman ang pang-umagang hudyat para kumain ng pandesal. Simula bata ako, ito na naririnig ko. Sa paslit kong kamalayan, hindi kumpleto ang umaga kapag walang pandesal.. hindi rin kumpleto ang pandesal kapag walang kapeng bigas. Subalit ang kumukumpleto ng aking masid noon ay si tatang Esong. Maliit pa noon ang kanyang ampon, nasa kalakasan pa sila noon ng kanyang asawang si Sareng, subalit hindi nabiyayaan ng isang supling. Ang swerte ng ampon nilang si Ingkeng.

"..tatang, baka kulang pa yan..", ang pandesero. Pandesero ang tawag namin kay Atong dahil sa baryo namin siya lang ang naka-bisekletang taga-benta ng mainit na pandesal. Tanghali na kasi kapag dumadaan si Vicenteng Kereng na puro mamon at galletas naman ang dala, halos sasabay si Aniane na naka-suzuki 120, puno ng samut-saring tinapay.

Sila ang tatlong magtitinapay na bumubuo ng aming almusal. Sa mga tanghali na kung gumising, si Aniane ang sagot, sa mga humahamog na umaga ay nandyan si Vicente Kereng, sa madaling araw ay si Atong. Saan ka pa?

Labing limang taon na rin ng magbakasyon ako dito sa amin. Gabi na ako dumating kagabi. Heto’t nagising ako ng “potpot” ng magpapandesal. Dinungaw ang eksenang yon na kinasabikan kong makita. Hindi ko maaninag ang mga anino kaya’t pumanaog ako sa kawayang hagdanan.

Hindi na pala si Atong ang taga-dala ng pandesal. Iba na ang eksena!

May kurot sa aking puso…

Ang dating magiliw na matanda, baluktot at nakabaston nang naglalakad. Dala ang supot ng pandesal at mag-isa nang nag-kakape sa balkon ng kanilang bahay. Kahit madilim-dilim pa ay nahagip ko ang pagtulo ng kanyang luha.

Inabot ako ng pagsikat ng araw sa silungang papag. Wala ng hamog sa umaga. Wala na ring Vicenteng Kereng. Ang mga tao ay sa tindahan na ni aling roseng bumibili ng mga noodles para almusal.

Pitong taon na palang hindi makalakad si Vicenteng Kereng. Nagka-kumplikasyon ang kanyang rayuma dahil sa araw-araw niyang kalalakad makapagbenta lang ng tinapay. Sinilip ko siya sa kabilang ibayo kasama ang pinsan ko. Lalo akong nanimdim sa nakita.

Nasa papag na lang si Vicenteng Kereng, umaasa na lang sa apo niyang si Dario na 12 taong gulang. Nakikipagtanim ng palay para ipantawid-gutom. Sa kapal na ng katarata ni Vicenteng Kereng, naaninag pa rin niya ako. Alam pa rin niya ang aking magkabilaang biloy. Yung mga biloy ka palagi ang pinupuri niya, para lang bumili si nanay noon ng kanyang galletas. Yung dalawang drum niya na lagayan ng kanyang mga paninda noon ay nagsilbing imbakan na lang ng kanilang tubig. Ang anak niyang babae na ina ni Dario ay matagal ng hindi umuuwi simula nong muling nagtanan.

“naku apo, matagal ng patay si Anton”, (tunay na pangalan ni Aniane). Yan ang sabi naman ng asawa ni Aniane. Kahit pala may ulser ay kumakayod pa rin. Ang lakas ng bentahan nila noon. Pero naubos sa pagpapagamot hanggang mamatay. Ang buhay ng pamilya niya ngayon ay masahol pa sa mga mahihirap na nasa baryo. Nagtutudtod (salitang ilocano para sa namumulot ng mga tira-tirang ani sa bukid) na lang sila para may maibenta sa bayan.


Papalubog na ang araw ng makabalik kami. Nahagip ko ng tingin ang matandang Esong papunta ng Patalan. Tinanong ko si nanay kung asan na si Ingkeng? Hindi ko mapigil ang lumuha sa awa ko sa matanda. Wala na palang lupa si tatang Esong. Naubos dahil sa kakabayad sa atraso ng batang kanilang pinalaki. Walong taon nang hindi sila inuwian, hanggang mamatay ang matandang Sareng. Umaasa na lang ang matandang Esong sa binabayad ng mga nagbibilad ng palay sa kanyang plaza sa harap. Ang giniliw na bata, asan na? Papalubog na ang araw ng matanda, pusikit ang gabi sa pag-iisa.


Kinabukasan, narinig ko muli ang potpot ng naglalako ng pandesal. Antagal na bumubusina sa tapat nina tandang Esong. Ayaw ko ng dungawin. Tiyak kasi malungkot ang eksena.

Tinanghali ako nagising. Pagdungaw ko sa bintana. May kabaong ng ibinababa ang punerarya Ferrer papunta sa bahay ni tandang Esong.

Wednesday, December 20, 2006

Sa pagitan ng dilim at liwanag

Sa pagitan ng dilim at liwanag, ginagagap ng kanyang kamalayan ang alibughang anak. Unti-unting ginagapang ng lamig ang kalamnan ng matanda. Kumukubabaw na ang kamanhiran sa kanyang animo pinanawan nang dugong mukha't katawan.

"wag niyong hayaang ipikit ni nanang ang kanyang mga mata", ang hindi magkamayaw na Mersing sa kakapahid ng mainit na tubig sa matanda.
"kagatin mo yong hinlalaki ni Nanang!", ang natatarantang utos sa akin ni Mersing.

Sa silid na yon tila nagsaklob ang unos ng kalungkutan at karagatan ng pangungulila. Katatapos lang bumagyo't bumaha noon at hanggang bukung-bukong pa ang lan-ak (putik-baha) na iniwan ng baha. Napakalungkot ng paligid. Ang mga halamanan sa paligid ay nagsihapay. Bumuwal ang puno ng santol. Nagsilaglagan ang mga bunga ng aratelis. Ayaw tumilaok ang mga tandang at inahin. Ang mga dayami ay nagsikalat sa mga damuhang iwinasiwas at ikinulapol ng mapagbandong tubig-baha. Nalagas ang mga dahon ng dalawang mayabong na puno ng akasya. Walang sumisilip na kahit silahis at sinag ng araw kahit tapos na ang unos, anupat ni kahit isang ibon ay walang nangahas pumagaspas sa himpapawid.. Ang bigla-biglaang bugso ng hangin ay parang humuhudyat ng lalong pag-alon ng dagat-dagatang kalungkutan at pangungulila upang isagisag ang madilim na pakikiramay sa maiiwanan ng nag-aagaw-buhay.

Napatingin ako sa animong wala na sa katinuang mukha ng matanda. Naiyak ako. Parang gusto niyang sabihing ayaw na muna niyang pumanaw. Kumikibot-kibot ang kanyang mga labi na parang may sinasabi.

"oo Nanang, lumaban kayo!", ang sabi ni Mersing, "makikita niyo pa si Esting".

Waring nabuhayan ng pandama ang naghihingalo nang marinig ang ngalan ng pinalaki niyang bata. Oo nga pala, si Esting. Ang batang basta nalang umalis upang hanapin ang kapalaran sa Maynila at iniwan ang matanda at kahit minsan ay hindi na nagbalik man lamang at sumilip.

"lagi niyo akong pinakukuha ng damo para sa mga baka at kalabaw eh ayaw ko nga ng tarbahong-bukid!", ang nauulinigan ko pang reklamo ni Esting sa matanda noon.

Kung alam ko lang kung saan makikita ang batang yon ngayon lumipad na ako. Naluluoy ako sa aking nakikita. Nalalanta ang aking pandama. Nagsusumigaw ang aking budhi. Bakit kailangan kong makakita ng ganitong eksena. Hindi ba sapat na makita ko lagi si nanang Saring na umiiyak kada hapon sa batalan? Bawat lugar at gawain niya sa araw-araw ay inuulan ng kanyang luha. Minahal niya ang batang iyon kahit alam niyang ipinahiram lang siya ng tadhana. Naunang pumanaw ang asawa niyang napagkaitan ding iwanan siya ng isang giliw na anak. Si Esting ang batang giniliw at gumiliw din sa kanilang katandaan.

"nanang Sarinngg!!!, ang palahaw na ni Mersing.

Muli kong hinagisan ng tingin ang matanda. Magkabilang luha ang pumatak sa mga mata nitong ayaw pa sana niyang ipikit. Alam ko ang nais ni nana Saring. Subalit kahit sa huling sandali ay hindi niya nasilayang-muli ang kanilang giniliw na Esting.

Napatalilis ako sa likod-bahay. Nasaktan ako. Hindi ako kaanak, subalit tila nasalo ko ang lungkot na yon na naiwanan. Waring naiwan din akong lumalangoy sa karagatan ng kalungkutan. Mula sa kawayanan paparating si lola ko Edang. Agad ko siyang sinalubong at niyakap.

Bundok Banahaw: Unang Engkwentro

”halika muna tsong laro ka?”, ang pagyaya ni Jhun kay Rene upang sumubok lumaro sa Computer game na Counter Strike.

”oks lang ako dre, maya maya batsi na ako”, ang iling ni Rene sa kaklase na siyang may ari ng computer shop na kanyang pinaglilingkuran.

Hinitit ni Jhun ang panghuling yosi at sumenyas kay Rene at akma na itong tatayo upang lumabas sa kuwartong iyon na pulos putukan at pagsabog ang maririnig na sinasapawan pa ng mga malulutong na pagmumura ng manlalaro.

”ganito lang buhay dito dre..”, sabay akbay ni Jhun sa kaibigan. ”..maghapon ako sa labas, sasaglit dito sa shop upang kunin ang sales..tapos uuwi sa bahay at makikipagtalik kay misis!?”

Sabay hahalakhak ang dalawa..

”hindi ka pa rin nagbabago dre, noong nasa high school tayo ganyan na ganyan ka pa kung magsalita…hay! Ang laki ng inasenso mo dre.”, may mga kasunod pang buntong-hininga si Rene.

”wala pa ito sa mga pangarap ko at nais abutin dre..malayo pa ang umaga, hehe”,ang buntong-hininga din nitong Jhun.

”biruin mo dre ha, ikaw noon yong parang walang kainte-interes sa pag-aaral. Aba eh ni wala ka ngang dala na notebook at ballpen noon, hahahaha!”,pagsasariwa pa ni Rene. ”madalas ka pa ngang umescape sa mga ibang subject..tapos ikaw pa itong malakas ang kita. Apat na kuwarto ng kumpyuteran at kumikita ng anim na libo sa isang araw!”.

Umiiling ang Jhun. Parang naliliitan pa sa kita ng kanyang shop.

”naku! Ayaw mo pa non? Alam ko lahat ang kita ng shop mo ano? 2500 sa unang ship at sa aking tokang oras naman ay lumalampas sa 3000!”. Ang pangunguwenta nitong Rene.

”basta may mga plano pa ako dre, iwanan mo na yang kurso mo..hahaha! walang pera diyan! Walang kuwenta yong mga pagdemo-demonstration ninyo noon para lamang ibaba ng eskwelahan ang tuition fee.” ang balik-tanaw din ni Jhun.

”wala ngang nangyari sa mga iyon. Heto nga ako, natapos ng “four years course”, hindi naman makapasok. Kinailangan pang mag-abroad ni Ester para kahit konti ay maka-angat..letseng buhay ito, wala tuloy ako kadyugdyugan sa gabi!”, ang himutok ni Rene.

”hahaha!!hayan ha, na-iimpluwensyahan na kita. Kadyugdyugan ha!hahahaha!!”, ang malulutong na tawa ni Jhun. ”baka madinig ka ni broder Leo niyan! Nyahahaha!!”,

”oi makakalimutin na ako ngayon! Sino nga ulit siya dre?”, ang nalilito kunwaring Rene.

”ulol! Kunwari ka pa dyan! Samantalang anong sigasig mo noon para hikayatin ako sa iyong paniniwala. Hahahaha! O di ba?”, at sasabayan ulit ni Jhun ng halakhak.

”hala! Eh ikaw kaya? Kunwari sumasanib daw si Ingkong sa kanya at si santo nino at paliliitin kunwa ang boses sabay kami naman noon magbibigay ng tig-bente singko at mga kendi, nyahahaha!dinale mo kami doon ah. Sa tuwing hindi ka binibigyan ng nanay mo ng baon, ganon ang raket mo!” si Rene naman ang kakantyaw at tila mapipikon na ang Jhun.

”langya ka! Inom nalang tayo.”, ang pangangambyo ng naaasar nang Jhun.

Nagbababaan na ang mga naglaro ng Counter Strike. Mag-aalas dose na kasi at sa bandang yon ng Taguig ay mahigpit na ipinapatupad ang karpyo, lalo na sa mga kabataan. Mula sa tig-apat na bote ng red horse, may tama na ang dalawa. Nagsisimula nang magbara ang sipon sa ilong ni Rene at namumula na ang mukha ni Jhun.

”boss Jhun, may error po yong koneksyon sa server ng internet, kailangan makakunek yong dalawa pang kustomer, may nira-rush daw”, ang nagra-rush ding salita ni Jenny.

”asan ba si James? Paasikaso mo sa kanya muna”, ang sagot ni Jhun kay Jenny.

”papatawag ko na lang po kay Dennis. Boss, sarado po ba tayo bukas?uuwi po kasi ako ng Laguna.” ang tanong na rin ni Jenny.

”oo,wala tayo bukas, kunin nyo na sahod ninyo mamaya kay misis ha..busta bahala na tayo diyan.”ang medyo senglot ng Jhun.

”san ba kayo bukas dre?”, ang tanong ni Rene.

”taga Quezon province si misis, at tuwing semana santa umuuwi kami don sa side niya dre, hik*”, ang may tama ng Jhun..”kung wala kang pupuntahan dre, sumama ka. Nandon ang sekreto ko nang pag-asenso. Panata ko nang taun-taon..hik*, ang umakyat sa bundok banahaw~”.

Hindi dalawin ng antok si Rene. Hindi niya alam kung bakit. Maaaring epekto ng red horse na nilaklak. Umiikot kasi ang paligid kahit ipikit niya ang mga mata. O maaaring nababagabag siya sa sarili. Sunud-sunod ang mga text ni Jenny:

gcing k pb?uwi ako sa amin tom. Baka Monday na me return. Mami-miss kita.basta txt mko lagi ha. Nyt nyt *muah*



baka Sunday pm pala jan nko.open nba mga malls pag Sunday?pasyal naman tayo ulit..nahihirapan nko lam u ba? Hindi kita madala sa amin.lagi tayong patago..hmmmpp!kakainis! cge na po.



Nong gabing iyon alumpihit ang kanyang kaluluwa. Hindi mapanatag ang kanyang budhi. Animo “sikmura na gustong maduwal” ang kanyang espiritu. Gusto niyang magsisigaw. May kung anong hindi niya mawari sa sarili at walang maapuhap na dahilan kung bakit? Ganon ba katindi ang tama ng red horse sa kanya?

Lumipas na ang hilo niya sa kakabaliktad sa kinahihigan. Nakailang ulit na siyang tayo-higa. Napapag-alaman na niyang walang kinalaman sa kanyang kabalisahan ang kaninang tinunggang red horse. Hindi na niya mapilit ang pag-ihi upang iwala ang unti-unting pagbigat ng kanyang kalooban sa hindi malamang dahilan. Gusto niyang pumalahaw ng iyak.

Magbubukang-liwayway na nang pinakawalan niya ang luha sa kanyang mga mata.



“sabi ko sayo dre, magandang umakyat ng bundok banahaw.”ang wika ni Jhun kay Rene.”dito ka na sa harap dre sumakay.”


Tinahak nila ang kaigsihan ng South Super Highway. Kakaiba na ang tanawin paglampas nila ng Calamba intersection. Nakatulog si Rene.


Kinaumagahan ng Biernes Santo ay nilakad na nila ang paanan ng bundok.

”dre, hindi uubra yang sandals mo. May extra akong rubber shoes, yon na lang ang suutin mo.”ang naninibagong Jhun sa katahimikan ng Rene.

”oks lang itong sandals ko dre, ngayon ko masusubukan kung hanggang saan ang itatagal nito! Hehe”, ang medyo pangiti pang sambit ni Rene.

”hintayin lang natin ang bayaw kong si Elmer, pinabili ko ng red bull dre.” ang nagsasalitang Jhun habang hinihigpitan ang sintas ng sapatos.

Naka-sleeveless lang ang Jhun. Mula sa laging naka-polo barong ngayon ay nakasuot na parang magba-basketball na lang. Nakasinturon pa ang wastebag nito na kulay itim. Parehas silang naka-short. Sa darating si Elmer kasama pa ang dalawa na nakaback bag pa.

”itupi mo ng mabuti ang tent para hindi malaki”. ang utos ni Jhun sa isa.


Parang divisoria ang paanan ng bundok. Sari-saring benta. May krus sa ibat-ibang imahe at korte, rosario na iba-iba rin ang kulay at haba. Sari-saring pagkain na mababaon. Ibat-ibang parapernalya at abubot. Wala silang binili maliban sa sampung bote ng mineral water na 25 pesos ang isa.

”dre, sampo lang ito sa taguig ah?”.ang pagtataka ni Rene.

”wala yan. Tara na.” pagyaya ni Jhun nang biglang bumuhos ang ulan.


Ganoon daw doon. Walang biernes santo na hindi uulan sa lugar na yon. 30 minuto din ang itinagal ng ulan. Nang mahinang ambon na lang ay nagyakag na ang Jhun. Nilisan nila ang munting palengke at binagtas ang isang landas pataas. Nakakailang minuto pa lang ay ramdam na ni Rene ang panloob na hapdi ng kanyang hita. Parang napuno ng hangin sa loob. Bumuhos muli ang napakalakas na ulan, dahilan upang ilatag nila ang dalang tent sa gitna ng kakahuyan.


”kuya, mukhang madulas ang dalisdis paakyat. Masyadong malakas ang ulan eh”, ang Elmer na may punto pag nagsalita.

”mukhang bibigay ang sandals na padala ni misis sayo dre, hehe!”.ang ngingiti-ngiting Jhun.

Tiniklop ni Elmer ang tent pagkasilip ng haring araw ng mga bandang ika-10 ng umaga.

”bilisan ninyo, sa may sapa na tayo magpahinga.”, ang pasigaw na Jhun. Matikas siyang umakyat. Palibhasa sanay. Kulelat ang Rene kasabay ang isa pa.

”dre, wag kang hihinto ng paghakbang. Lalong mararamdaman mo ang sakit sa hita. At huwag hihinto dahil tatamarin ka na, hehe. Walang atrasan dito loko!”. ang mga pananalita ni Jhun.

Tuluy-tuloy sila sa pag-akyat. Hindi nila daw tinahak ang talagang akyatan kasi walang masyadong hamon. Marami pa silang makakasabayang mga “akyatero”. Dista-distansya sila. Walang kau-kausap. Kanya kanya ng iniisip. Kanya kanya ng paraan sa paglalakbay.

”dre, dba marami kang naiisip pag mag-isa ka lang na umaakyat?”,ang sabi ni Jhun nang magkahintayan.

Tama ang kaibigan. Maraming mga dumadapo sa kanyang isipan habang alumpihit siya sa pag-akyat. Nakakaramdam siya ng inis, ng galit. Hindi dahil sa nararamdaman na niya ang hirap sa pag-akyat, kundi naiisip niya ang kahangalan ng kanyang sarili.

”hintay ko kayo sa sapa..sundan lang ang dalisdis na kung saan may agos!!”, ang sigaw ni Jhun mula sa di-kalayuang taas.


Nanggigigil si Rene sa bawat hakbang niyang paakyat. Tila walang katapusang mga lupang-hagdan.

”~..sige, mapagod kah! Yan ang dapat sayo!!”,ang sa isip ni Rene. Naiinis siya sa sarili. Nakikita niya ang kanyang pagiging makasarili.

”ayoko sanang lumayo, sana maintindihan mo ako!! Pero kakayanin ko para kahit papaano may maiharap tayo sa mga anak natin. Ipangako mo lang na magsasakripisyo ka rin ha?”


ang mga naaalala niyang pangungusap ni Ester bago umalis abroad. Siya dapat ang umalis..siya dapat ang nakakaramdam ng mga pangungulila. Siya dapat ang nagsakripisyo sa malayo. Siya dapat ang lumasap ng tila parusa sa bansang iyon na gapos ang kalayaan. Siya dapat ang nag-abroad. Bakit ang asawa niya ang kakayod para lamang mabayaran ang mga utang na siya ang may likha?


”dre, matibay nga ang sandals mo ah”,nasa harapan na pala siya ni Jhun.

Buntong-hininga lang ang naitugon ng Rene. Nakarating sila sa sapa. Mula doon ay naghugas sila ng mga putikang paa at sapatos sandals. Sa totoo lang, hindi naman sapa ang itsura ng tinatawag nilang sapa. Kundi munting bukal lang na kung saan walang tigil ito sa pag-apaw at pag-agos pababa.

”elmer,dre, sa tatlong tangke tayo dadaan.” ang sabi ni Jhun.

”tatlong tangke?, ang tanong ni Rene na hindi na sinagot ni Jhun.


Hindi masyadong matarik ang yugto ng kanilang pag-akyat ngayon. Subalit napakadulas ng putik. Ibang klase ang putik doon, parang “nylon” na pag nagkamali ay lubos ang iyong pagbagsak. Mga puno ng antigong ipil-ipil ang kinakapitan nila upang pangontra sa dulas ng binabagtas na putik. Madaya ang putik, akala mo ay makapit subalit madulas ito pagdikit sa mga panapak. Kasingdaya ng relasyon at pagtatalik nila ni Jenny. Kasing-switik ng kanyang hungkag na sarili. Hindi siya makaipon kahit 300 daan ang kanyang kupit araw-araw sa shop ni Jhun!

Sinasadya ni Rene na ihampas sa sarili ang mga kinakapitang sanga ng ipil-ipil. Sinasadyang ding ihada pati ang palad sa maninipis na kugon upang mahiwa!

”dre, asan ang tatlong tangke?”ang tanong ni Rene pagkadating sa tinatawag na tatlong tangke.

”isa na lang ang tangke ng tubig na makikita dito.wala na yong dalawa pa!”ang tugon ni Jhun.”sa kapatagan na tayo manananghalian..”


”kapatagan?”, ang tanong sa isip ni Rene.

Nagtataka siya kung paano nagkaroon ng kapatagan sa bundok. Hindi pa rin niya matantiya kung gaano na kataas ang kanilang naaakyat. Pawang naglalakihang mga puno ang natatambad sa kanila, at mangilan-ngilang “akyatero” ang nakakasalubong mula sa ibat-ibang anggulo ng bundok. Kanya-kanya kasi ng lugar sa pag-akyat,kanya kanya ng estilo, at minsan mula sa kinamulatang matandang pamahiin. Subalit kahit iba-iba ang sulok ng pinag-umpisahan ng pag-akyat, lahat ay dumadaan sa sinasabi nilang kapatagan. Doon nagkikita-kita ang ibat-ibang mang-aakyat at panatiko.

Naging matarik at mabangis ang mga sumunod na pag-akyat nina Rene. Halos humihinto siya talaga sa pag-akyat. Bawat likuan na may mga munting tolda at kubo ng tindahan ay bumibili siya ng softdrinks at palamig gaano man ito kamahal. Nakaramdam siya ng panghihina. Subalit may lakas siyang nararamdamang umuusbong sa kanyang kaibuturan.


”dre, kaya pba?” ang medyo pasigaw ni Jhun mula sa malapit lang na taas.

”napapaihi na nga ako sa kalbaryong ito dre!” ang tugong may hingal ni Rene.


Sa yugtong ito, marami na silang nasasalubong at nakakasabayang mga tao. Masaya na. Subalit sunud-sunod na trahedya naman ang namamalas. Kitang-kita ni Rene kung paano dumausdus pababa ang isang babae mula sa taas. Nasabit ang binti sa isang ugat sanhi upang mabakli ang buto nito. Mahina ang signal ng kanyang nokia 3210 kaya maging ibang nandoroon ay hindi makontak ang mga rescuer.


Saglit silang nakapagpahinga sa insidenteng yon.


Inabot na si Rene ng pagkatamad. Bumagal na siya sa pag-akyat. Ramdam niyang muli ang mahapding pamimintig sa kanyang hita. Napupuno na naman ng hangin ang dibdib. Hinahabol ang hininga. Huli na naman siya. Tila wala na namang katapusang hagdang-lupa ang tinatahak paakyat. Tulay na puno! Madulas na hagdang-lupa! Paikot na dalisdis! Ilang balding tagaktak ng pawis. Hindi mabilang na buntung-hininga. At sa wakas! Kapatagan na!

”yung bangus na paksiw na lang sa akin dre”.ang sabi ng gutom ng Rene.

Pinagmasdan ni Rene ang sinasabing kapatagan pagkakain. Mahigit sa 500 raan ang nakahimpil doon. May kanya kanyang tent. Kanya-kanyang gimik. Walang pinag-iba sa mga taong namamasyal sa luneta. May nakahilata,may nagdarasal, may nagsisikain, at iba-ibang pakulo ng kanilang panata.

”nasa gitna pa lamang tayo ng bundok dre..kailangang umabot tayo sa tuktok. Mas maraming tao roon. Doon natin itatayo ang ating tent.” ang sabi ni Jhun.

Nanghina lalo ang Rene. Parang hindi na niya kakayanin. Subalit naiintriga siya sa tuktok na yon. Mag-aalas tres na nang nilisan nila ang kapatagan.

”noong una kong itinayo ang shop, nag-umpisa ako sa apat. Typing lang ako noon. Yon ang taon ng una kong akyat sa bundok na ito.”ang pagkukwento ni Jhun.

”naiinggit nga ako sayo dre. Natamaan mo ang “IN” na negosyo ngayon.”, ang Rene na medyo nakakasabay na sa pag-akyat kay Jhun. Yung tatlo naman ngayon ang nahuhuli.

Marami silang napag-usapan. Hindi nila napapansin na lumalamig ang paligid. Nasa taas na sila. Gayunpaman hindi pa rin matanaw ni Rene ang baba dahil sa tayug at kapal ng kakahuyan.

Humimpil silang dalawa sa isang puno na kung saan tanaw ang paglubog ng araw. Kulay pula ang kanluran. Hindi na maintindihan ang iba pang sinasabi ni Jhun. Nahalina siya sa ganda ng kaulapan. Iba ang dating sa kanya. May mga bagay siyang hindi nakikita sa paligid.

”Go! Go! Go!”, ang hudyat ni Jhun.

Nasanay na ang mga hita ni Rene. Tila namanhid na ito at wala na ang kaninang kirot at hapdi. Mag-iika-walo na ng gabi nang marating nila ang taluktok ng bundok banahaw.

”dre mag-kape muna tayo bago mag-ulam ng sardinas. Yun lang ang mabibiling ulam dito..mga de lata.”, ang sabi ni Jhun.

Napakagaan ng kalooban ni Rene. Sulit ang kanyang naranasang hirap sa pag-akyat. Nanunuot ang lamig sa kanyang katawan subalit ang init ng kagalakan at kasiyahan ay umiigting at pumupulupot sa kanyang kaibuturan. Tanaw niya ang kailawan ng mga siyudad: ang laguna, ang lucena, ang Quezon, ang Batangas. Tuwang-tuwa siya nang nahahawakan niya ang ulap na animo usok lang na dumaraan sa kanya. Ramdam na ramdam niya ang hagod at sampal ng hangin.

”dre ok na yong tent natin.” ang tinig ni Jhun.

Mataman niyang minamasid ang mga taong naroroon. Tahimik at waring inaalam ang tadhana nila. Gising halos ang lahat. Inaabangan ang pagbubukang-liwayway.

”dre, stay ka lang sa shop. Madami akong plano. Pag-nai-market ko yong aking program sa POS, kasama kita don.” ang pangako ni Jhun.

Subalit tumatanggi ang isip at puso ni Rene. Wala doon ang puso niya. Hindi yon ang kanyang linya. Nais niyang tuldukan ang pagnanakaw niya sa kaibigan.



Kinabukasan, sumilay ang araw. Bawat silahis ng sinag nito ay iba ang dampi sa mga balat ni Rene. Tila kuryente itong nanunuot sa kanyang kalamnan upang ihulma ang isang panibagong pananaw sa buhay.



Matapos mamalas ang ganda ng umaga, pumanaog na sila. Dinaanan nila muli ang mga lugar na pinaghirapan nilang akyatin. Napapangiti ng lihim si Rene. Hindi niya akalain na makakaya niya ang mga matatarik na hagdang-lupa, ang madudulas na putik, ang makikitid na dalisdis. Hindi rin niya akalain na kaya na niyang limutin si Jenny at handa na siyang maghanap ng ibang trabaho na ayon sa kanyang linya.

Pauwi na siya ng Manila ng tumawag si Ester. Pumayag daw yong employer niya na pwede na niya siyang kunin bilang Maintenance sa Ospital niyang pinaglilingkuran sa abroad.


Sa ngayon, apat na taon na siyang nasa Riyadh Saudi Arabia, kasama ang kanyang asawa.




(note: kasama po ako sa mga umakyat ng bundok banahaw) (“,)

Cute Morning

Iba-iba nga ang papel na ginagampanan ng bawat tao. Tulad ko. Dati-rati 10 pa lang ng gabi tulog nako. Madaling araw pa lang gising na ako. Totoo nga kasi yong sabi ng matatanda na magaan ang buhay kung maaga ang gising. Ang ganda kasi eh, nalalahanghap mo ang konting hamog bago man lang kulapulan ng malagim na usok. Dairy crème na natutunaw sa mainit na pandesal na lako ni pepeng silat’, umuusok na kape, puto’t kutsinta, champorado, malapot na gatas, sinangag, tuyo, at mga kapitbahay na nagwawalis sa kalsada. Maaliwalas ang lahat, at parang laging may dalang pag-asa ang sumisikat na araw. Sarap mag-almusal.

”..Almusal din ang gamot pag nahihilo na’ko sa puyat kaka chat. Hehe. Sinusubukan ko ulit kasi na magsulat baka sakaling palarin at maging tagapagmana ni Juan Ekis. Sa madaling araw ako kumakatha. Mahirap din kasing maglagom. Kung bakit kasi nasunog ko pa yong iba kong nasulat. Nakakadiskurahe kasi na pati sa pagsusulat ginapang na rin ng palakasan, “red tape” ika nga. Lintek at Putek!

Matagal-tagal na rin akong hindi nagsusulat. Na-adik lang ako sa internet, heto na. Kinakapos na ako ng mga talasalitaan. Hirap kong maapuhap ang mga batayang alituntunin sa pagsulat at pagsasanaysay. Subalit nakakatuwa at maganda ang pakiramdam kapag natatapos ko ang isang kuwento. Kahit papaano, may libangan na ako sa tuwing walang nagpapa-assemble ng PC.

Minsan bigla akong ginutom sa madaling araw, bumili ako ng 50 pesos na pandesal sa Dimasalang bakery, nagtimpla ng isang pitsel na kape at kumain na parang bibitayin nung araw na yon. Solve!

Noong nasa probinsiya pa ako, hindi pwedeng mawala sa kwento ang A.M. radio. Alas kuwatro palang nag madaling araw ay tumutugtog na ang Romeo Quiñones at Joel Trinidad ng kapitbahay namin. Pasusundan naman ito ng Rod Navarro ni tatang sa alas singko. Nakabisado ko tuloy ang mga patalastas na United Amerikan Tiki-Tiki, Liwayway Gawgaw, Rufina Patis, at iba’t-ibang tatak ng sardinas, fertilizer,pamatay kulisap, at kontra-bulate. Sa tuwing dadalhin ako ni inang sa bukid para magdamo sa sibuyasan ay nandoroon pa rin ang radyo. Karakter na karater sa akin ang munting transistor na yon na kung saan araw-araw kong napapakinggan ang mga “pelikulang para sa tenga” tulad ng love story sa alas 10 ng umaga, Ang pakikipagsapalaran ni Emok, Magnun, Kapitan Kidlat, Zimatar, Ibona, Ito ang palad ko sa alas tres, Daniel Bartolo at Gabi ng Lagim sa gabi. Nasubaybayan ko rin si Rontonton at Ang manok ni San Pedro sa radyo Veritas. At syempre, sino ang makakalimot sa mala-alamat na Johnny Midnight, ang ”Toning Water”. Labis ang inis ko noon kapag ginigising ako sa madaling araw para lang laklakin ang dinasalang “tubig”. Hay naku, nalalaman tuloy ang edad ko. Hehe.

Kasama sa tipikal kong umaga ang pag-tutbras at pagpasok ng Eskuwelahan. Makapal kung pahiran ako ni tatang ng kanyang “three flowers pomade”. Tingin tuloy sa akin ay naligo sa kawali. Nanggigitata at kintab na kintab ang aking buhok. Nasisilaw ang bagong lipad na ibong-bahay. Kainiss! Lalo akong badtrip kapag sa eskuwelahan pa lang ay ginugudtym na ako. Malamig kasi sa umaga at isang guhit mo lang sa aking balat ay sumusulat. Hehe, ewan ko kung bakit ganon. Mamya ay kakantahin na sa akin ang”

”..may dumi-dumi sa ulo,ikakasal sa linggo
inalis inalis kakasal sa Lunes..”

Ang balat ng white rabbit candy nasa ulo ko na pala. Ang mga buset! Syempre, ang walang kamatayang “Bayang Magiliw” at “Panatang Makabayan” ang unang seremonya sa skul. Maglilinis. Pag-iigibin. Ipapabanot ni Mr. Banot ang mga talahiban at damuhan. Umagang-umaga may nag-aaway na kaklase ko. Kahit nasa klasrum na’y maiingay pa rin. Ugat-ugatan na si Madam Untalan. Yehey! Recess na. Bubunutin ang diyes sentavos para ipambili sa pamosong Nutriban.

Simple lang ang buhay noon. Pag-uwi ko nga galing sa skul, laro taym na.

Naaalala mo pa ba ang tumbang preso? E yung taguang bato,agawang panyo,takip silim, luksong lubid at tinik,chinese garter, jackstones, trumpo, saranggola, sipa, siyatong, piko at sungka? Yong simple lang? Bato bato pik, pitik bulag, jack en poy,open the basket, patintero, taguan pung, sawsaw suka, at yong mataya-taya.

Hay naku, tigilan na natin yan. Madaling araw na at Umaga na mamaya. Teka ha, bibili lang ako ng pandesal at dairy crème sabay timpla ng kape mamaya. 'Kelangan pa bang imemorize yan?' 'Lam mo na yan!~

Ang mga Index ng buhay nina Lolo at Lola

"hindi ka ba nahihiya diyan sa mga ka-EB mo dave?..ayan o naglalaglagan ang mga balakubak mo?”, ang patutsada ni ate. Buset! Pati mga balakubak ko napansin pa.

”bagong sahod ako ngayon sumama ka sa INDEX, at ng makatikim ng *hot-oil* ang buhok at scalp mo., alok ni ate ulit.

”Abah, si dave magpapa-hot oil?”, bulong ko sa aking sarili at di-pahimas pa ng baba. ”hmmm”

Pasado alas tres na nang hapon ng pumasok kami sa saloon. Puno! Ibat-ibang klase ng people. Yong iba nagmistulang arabo sa nakabalumbong tulya este tuwalya sa ulo. May mga naka-upo na parang bibitayin at nangatitig lang sa paikot na salamin. Itong si nanang nagpapakulay pa ng buhok at nakatutok sa ulunan niya ang apat na lenteng ilaw. Abah, si tatang kalbo na’y nagpapa hot oil pa rin. Nandoroon din ang tila elitestang maybahay o ibinabahay ng mga kilalang tao, syempre VIP ang style, wapak! Ewan ko rin kung mga *patotot* ang mga makikinis at mapuputing nagpapasuklay ng malamya. Syempre, hindi nawawala ang mga kabataang babae na, sauce!, ang seseksi at artistahin ang mukha.

”pogi, pa-wash at pa-shampoo ka muna don o..”, ang malambing na tinig ng isang babae.

Pawang mga nakasout ng uniporming itim at may borluloy na pula sa beywang. Sinalubong ako ng isang maputing babae at pina upo ako at inihilig ang aking ulunan. Dumampi sa aking bumbunan ang malamig na tubig. Ahihihi~!sinashampoo na pala akits. Nawili kasi ako sa kakatitig sa labi ng babae.

Ang landi ng mga kulay na nakapinta sa paligid. Daig pa ng nakapaikot na salamin si tata Igmeng mambubuso, parang wala kang maitatago sa loob. Kahit pasimpleng pagkamot sa nangangating singit ay makikita sa salamin. Kahit saan ka pumahilig at pumaling ay kita lahat ng mga nandoroon ang lahat ng aking anggulo. Nasulyapan ko pa ngang nangungulangot ang sikyu sa may gawing pintuan. Malikot ang aking mga mata kaya pati ang goodbye kiss ni lalaking naghatid ke babae ay nasulyapan ko pa, lintek! nainggits pa ako.

”oi ganda ako na bahala dyan kay pogi!”, ang maarteng tinig na barako naman ang dating.

Naku patay! Ok na ako kay *gandang-labi* eh, umentra pa itong *busalsal ang nguso*. Hehe. Pina-upo ako ni bakla sa upuan at sinimulang i-massage ang ang aking ulo..hayy sarap! Parang isa-isang kumakawala lahat ng pagod sa pakikipag-deal sa TPC. Sabay pinulanditan ng animo pomade. Ikinulapol sa mahaba-haba ko na ring buhok. Swabe kung idalirot nito ang mga daliri sa aking buhok. Pinapaikot nya ang daliri sa aking mga hibla sabay sundot at hila. Naghanap tuloy ako ng banig at unan. Inaantok ako.

”poge gusto mwo lagyan naten ng ‘drops’ para kikintab lalo ang buhok mo.”, alok ni bakla.

Tumango naman ako pero hindi ko alam yon. Basta kikintab ok na. 30 pesos lang daw kada patak. Eh dalawang petak lang daw kaya hindi na masama sa bulsa. Abah, parang joy, isang patak linis sangkatutak, hehe.

Pagkatapos lamasin ang aking buhok, ikinulob ito sa isang parang bolang kristal ni madam auring. Painit ng painit. Naalinsanganan ako kaya panay ang lingon ko at sipat sa mga nandoroon ding nakaganon. Abah, hanep nga! Nararamdaman ko ang pagtutuklapan ng mga natigang ko ng balakubak, at ubod ng kati. Sarap hadhadin! Ilang minuto ding ganon ang ayos ko. Naglaho na si bakla, pinapunta ulit ako sa banlawan at shampuhan. Wala na rin si gandang labi, bumulaga si bungal ang ipin, buset! Napagkamalan pa akong maam dahil sa medyo mahaba nga ang aking buhok, sabay bungisngis ng malamang adan pala akits.

Pagkatapos kong ma-shampuhan at mabanlawan, kinaon ulit ako ni bakla at pa-dryer na ng buhok. Hayan na naman, sarap ng bawat hagod ng makinang iyon na may bugang mainit. Parang pison namang hinahagod ng bilugang suklay ang aking mga hibla.

Dalawa ang katabi ko, sa aking kanan ay si lolo na na nagpapa hot oil pero manipis na ang buhok. At yong isa ay ang ale na parang naiiyak lagi ang mukha. Ah ewan. Si lolo lang ang natanong ko kung bakit nagpapa-hot oil pa siya gayong *halos nagsilisan na ang kanyang mga hibla sa bumbunan.*

Ah, salamat sa pa-hot-oil na yan, nakita ko ang isang mundo ng mga tao. May mga kultura pa pala akong hindi nakikita. Kaya pala maraming mga kadalagahan at maging mga maybahay, o maging kalalakihan, o maging mga hukluban na ay nasa mga bahay-pagandahan, dahil yong iba *nakasanayan na at hinahanap ng kanilang katawan; yong iba ay dahil kailangan sa kanilang trabaho at career; yong iba ay para makapagpapansin; at sa mga may edad na ay maaring udyok ng nasimulang kultura ng lipunang ginagalawan.*

Dalawa ang naka-kurot sa aking puso. Nasabi ng katabi kong matanda na nagpa foot spa, na: gawain na niyang magpaganda simula nang maging matabang sa kanya ang asawa. Subalit iniwan din siya nito 21 isang taon na ang nakakaraan. Sa tuwing nagpapaganda raw siya ay nare-reminisce ang naiwang ala-ala. Si lolo naman ay modelo ng isang kilalang pomada noong dekada 60. Sa bawat pa-hot-oil niya ay narerelax siya hindi lang dahil sa masahe sa kanyang bumbunan kundi bumabalik ang isipan niya sa makulay na buhay noong nakaraang kasikatan. Wala na kasing makaalala sa pomadang yon gaya niyang pati mga anak ay hindi na siya maalalang dalawin.

Kasabay kong lumabas si lolo. May taglay siyang ngiti nang ihawi ang kanyang baston upang lumakad papalayo.

Whew~!parang naramdaman ko ang nasa damdamin ni lola at ni lolo. Pero, hanep din ang hot-oil, hindi lang bumbunan ko ang pinagaan, pati ang aking kalooban!

Thursday, December 14, 2006

Ang Soap Opera ni ISKA

"..ate tayo na, pakidala yung bulaklak bilis baka mahuli tayo..", pag aapura ni Iska sa kapatid nya na nooy hindi maikabit-kabit ang bra sa pag aapura.

"oo sige,lintek itong bra na ito! pakidala mo pla yong mga sampaguita sa altar ni mama mary!..", ni Uryanang habang nakakulapol ang tuwalya sa ulo dahil bagong ligo.

Sila ang mga auntie ko na taga Malate. Madalas ko sila noon na nakikitang umiiyak, nayayamot, at nakikisimpatiya kay ANALIZA. Sa tuwing sasapit ang hapon ay nakatutok na sa TV ang dalawa at santambak na POMPOMS at KROPEK ang nilalantakan habang pinagtitiyagaan ang isang rotary na toshibang TV na noon ay kailangan mo pang alugin para bumukas. Medyo marungis na ang TV. Subalit malaki ang pakunswelong-hatid ng telebisyon sa dalawa.

"..ate san ba yung Loyola memoryal?..", urirat ni Iska habang tinutooth brush ang kanyang pustiso.

"..sasabay na lang tayo kina manang Itik, apuraem ngamen!..", ang ilokatog nyang sagot sa kapatid.

Ang araw na ito ang pinaka-huling hugot ng mag ate sa opurtunidad na maipakita ang pakikiramay sa yumaong bida ng Analiza. Ang pagkamatay ng inidolo ay nagpakulimlim ng kanilang dapithapon. bagamat replay na lang ang Analiza noong mga panahong iyon ay ayaw na nilang panoorin. Iba na kasi ang dating ng Analiza. May kalungkutan ng lumalambong. May hapdi nang hatid sa dibdib. Hungkag na ang banghay ng estorya.

"..manang, asan na yung mga kandila?..", ani Iska, ngayon ay pusturang-postura ang bihis.

"..dadaanan na lang daw ni manang Itik..", ni Uryanang,"..pakidala mo yong kodak natin para may rimimbranz..", sa bigkas at puntong ilokano pa.

Hindi rin nawaglit sa isipan ni Iska ang mga larawan ni Julie Vega na kanyang kinolekta at ginawang album. Isinilid nya ito sa bag nyang kulay berde.

"..ayna apo, nakagal galas nga hambag, san nga ata iti pagikkam dita..", mahinahong-bulyaw ni Uryanang.

"..eh wala naman tayong bag na dito na paglalagayan manang..", sagot ni Iska habang pinaglalabas-masok ang pustiso sa bunganga.

Hindi pa natatapos si Iska ng pagsasalita ay biglang naputol ang hawakan ng bag at nalaglag ang album na kung san nakalagay ang mga koleksyon ng larawan ni Julie Vega. Sa lahat ng matatambad na larawan ay yong larawan niya sa pelikulang Lovingly Yours Helen na kung saan inaalihan sya ng demonyo.

Biglang lumangitngit ang pinto nila, may nagbukas....

“..anya intayon..?”

“..hay naku! Si manang Itik pala..”, ang nagulat na Uryanang.

“..bakit sino ba inaasahan niyong darating? Si Guido na kumidnap kay Analiza?.”, sabay bubungisngis si Itik.

“..anya met ni manangen, ipinaalala pa..”, ang sabi ni Iska.


Nasa pinakahuli sila ng pulutong ng nakikipaglibing. Lubhang makapal ang mga tao. Hindi magkamayaw. Sari-saring amoy ang nalalanghap nila.

“..bili lang ako ng palamig ha..”, ang Iska na kanina pa piga ng piga sa “good morning” niyang tuwalya.

[i]“..dalian mo at mahuhuli tayo..,” si Uryanang.

Mabagal ang usad ng prusisyon. Nakakabagot para sa isang hindi panatiko. Hindi kababakasan ng pagod at pagsisisi si Iska sa pakikipag-prusisyon sa libing. Kahit napakalayo niya sa kinalulunanan ng kanyang idolo ay alam niyang natutuwa sa kanya ito.

“..hoy!..” si Uryanang,.”..ngingiti-ngiti ka dyan. Agbagtit!..”

Yon pala pinaglalaro na niya sa isipan na siya ang papalit na Julie Vega sa soap operang Analiza.

“..hihihi~, si ate naman, maglakad lang tayo.asan nba?malapit na?.”,nakangising Iska.

“..Wen. pero mahihirapan tayong makapasok..hintayin na lang naten na kumonti ang tao..”, sabi nga ni Uryanang.

Sumuling muna sila sa isang maluwag-luwag na tabi.

“..hoy! mga ilokogtot..”, boses bisaya.

“..nye! nandito ka rin?..”, ang pagkabigla ni Iska.

“..Oo, uuwi na ako. Magluluto pa ako ng ulam. Mainit ang ulo ni Kabise kanina. Natalo sa madyong.!..”, ang tsismosang si Andang.

“..hayy!!..” ang buntong-hininga ni Iska.

Ang kaninang maliwalas na mukha ni Iska ay unti-unting lumamlam. Hindi dahil naghahatid siya ng isang patay. Nalala niya, hindi pala sila pinayagan ni Haya na umabsent. Kailangang pumasok sila sa restauran.

Nabaon sa utang ang kanilang ina kay Haya, isang negosyanteng patpating Intsik na may pitong anak. Ikinamatayan na ng kanilang ina ang utang na yon. Sumasahod lamang sila ng anim na raan (600) kada buwan. Malakas ang restauran.Doon halos kumakain ang mga tao, mulang almusal hanggang hapunan.Bukod kasi sa mura na at masarap pa ang luto ay talagang lugod na lugod ang mga mangangain sa kakusaang-palo,kagalakan, at katapatan ng mga tagapagsilbi katulad nina Uryanang at Iska. Sadyang likas na bukal sa diddib ng magkapatid ang pagganap sa papel bilang mga serbedora.

Sa aktibistang pananalita, masang-masa ang restauran ni Haya. Maliit pa ako noong madala ako nina auntie Iska sa restauran iyon. Kahit medyo marungis ang paligid, may paminsan-minsang biglaang sumisilip na daga sa may estanteng tanghalan ng mga lutong ulam at ipis na gumagala-gala sa mesang kainang tipong gusto nang habulin ng basurahan ang kinupas-kupas at pinunit-punit nang mantel ng pagkakuripot ni Haya dala ng pagpapaaral sa pitong anak na panay babae na nagmana halos sa kanyang kapayatan, kaputian, at kasingkitan. Wala man lang ni isang humawig sa itsura ng asawang naglaglagan nang lahat ang mga ngipin sa panganganak, tuloy mukha nang ginulat na umiihing ita.


“..Iska..oy! lapit tayo sa banda roon..”, ang yaya ni manang Itik.

Oo nga pala. Medyo marami pa rin ang tao sa bukana ng Sementeryo.


“..isusumbong kita sa nanay ko.! Huhuhuhu! (hikbi! hikbi!)..”, ang palahaw ng isang bata sa malapit.

Nakatawag pansin kay Iska ang sagot ng batang umaway:”..katulong lang namen nanay mo, baka sinulidin siya at tahiin ng mama ko..”!

Nanggigil sa inis si Iska. Lalo higit sa yaya na wala nang inintindi kundi ang simutin ang “ice drop” at “cotton candy” na para sana sa isang umiiyak na bata.

“..pssst!..”, sutsot ni Iska sa papadaang yosi-tinda-boy na nakangiti pang parang inorder na callboy.

“.tukmol!, huwag mo nga akong ngitian, sigarilyo mo ang type kong hithitin hindi yang sayo..”, pagsusungit nitong Iska.


Maliit pa lang kasi sila ay kay Haya na nakatira. Walong taong-gulang lang siya noon ay kinatulong na. Madalas siyang kurutin sa singit ni Kunada (asawa ni Haya). Napipingot siya araw-araw dahil laging may basag na pinggan sa tuwing maghuhugas. Ang mga dalagitang anak ni Haya ay kay ate Uryanang pa nagpapahugas ng lintek na puwit pagkatapos tumae. Siya naman ang madalas gumising sa umaga upang itapon ang 3 arinola na umaalimpuyo sa kapanghian.

Maluwang ang bahay ng mag-anak na intsik. Natatagalan nilang magkapatid ang bigat ng trabaho bilang katulong. Subalit suko sila sa kakuriputan at kasungitan ng asawa at mga anak ni Haya. Ipinagdadamot ng mga ito ang pagkain. Nasanay nang kumain sina Iska ng kung anong matira sa paminggalan. Kakarampot lang madalas ang natitirang ulam kaya’t napipilitang hawanan ni Uryanang ang mga tira-tira upang makabuo ng mailalagay sa sikmura. Hindi malimutan ni Iska ang pagbatok sa kanya ni Kunada dahil sa pagkuha nito ng tikoy mula sa estante. Simula noon, madalas silang taguan ng mga tsokolate at mansanas. Mas ninanais pang ipamudmod nina Haya sa mga kalahi nilang mayayaman ang mga tira sa restawran kaysa sa dalawang magkapatid.

Alam na alam niya na madalas hipuan ni Haya ang ate Uryanang niya. Dahilan iyon para humanap ng ibang matitirhan ang magkapatid. Subalit naiwan pa rin ang obligasyong bayaran ang utang ng nasirang ina sa pamamagitan ng pagsisilbi bilang mga serbedora.

Lalong nagmalupit sina Haya sa dalawang magkapatid nang humiwalay ng tinitirhan. Hindi na pinasasahuran si Uryanang.


“..Flor De Luna! Flor De Luna!.”, ang pumihit kay Iska na kanina pang hitit ng hitit ng sigarilyo.

Napatayo siya bigla subalit huli na. Hindi man lang niya nasulyapan si Janice De Belen na bida sa Flor De Luna.

Sa tuwing naalala niya ang mga tagpo sa Flor De Luna at Analiza ay nabubuhayan siya ng loob. Nagkakaroon siya ng pag-asa.

Halos wala nang tao sa Loyola Memorial Park. Subalit may mga bantay pa rin. Nakalapit na sila Iska sa libingan.

Ngayon muling lumuha si Iska. Hindi dahil nakita na niya sa huling hantungan ang libingan ng inidolo.Kundi sa mapait nilang kalagayan sa kamay ng mga mapag-imbot na dayuhan. Ang damdamin niya ngayon ay kahalintulad ng damdamin din noong namatay din ang kanyang ina. Kawalan ng pag-asa. Para siyang nakabitin sa ere. Alam niyang hindi na madurugtungan pa ang soap operang Analiza. Subalit ang iniwan nitong banghay ay kikislap sa yugtu-yugtong buhay-alila nina Iska at Uryanang.